518 total views
Mga Kapanalig, tatlong kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency Southern District Office (o PDEA-SDO) at isa nilang drayber ang nahuli sa isang operasyong isinagawa ng Drug Enforcement Unit ng Philippine National Police noong isang linggo. Nasabat sa operasyon ang mga “recycled” na iligal na drogang nagkakahalaga ng mahigit siyam na milyong piso. Sa loob mismo ng kanilang opisina, huling-huli sa akto ang mga akusadong nagbebenta ng iligal na droga.
Nasasakupan ng PDEA-SDO ang mga siyudad ng Las Piñas, Makati, Muntinlupa, Parañaque, Pasay, Taguig, at ang munisipyo ng Pateros. Kamakailan lamang ay nabalita rin ang PDEA-SDO sa pagtatala ng pinakamaraming drogang nasabat sa taong ito. Kasama rito ang matagumpay nilang pagkakahuli sa isang shabu lab sa loob ng Ayala Alabang Village, isang kilalang mayamang subdivision sa Muntinlupa. Tinatayang labindalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng halos 150 milyong piso ang nakumpiska sa operasyong iyon.
Ayon sa mga patakarang inilabas ng Supreme Court, dapat na may maayos na dokumentasyon, imbentaryo, at mga litrato ng mga nasasabat na kontrabando sa mga operasyon kontra iligal na droga. Sa loob ng tatlong araw, dapat ding inspeksyunin ng isang hukom ang mga nasabat na kontrabando na susundan ng pagkuha ng sample para sa forensic examination. Maliban sa sample, didispatsahin na dapat ng PDEA ang lahat ng iligal na drogang kanilang nasabat.
Sa naging insidente sa opisina ng PDEA-SDO, malinaw na may mga hindi nasunod sa proseso ng pagdidispatsa ng mga iligal na droga. Higit sa lahat, dapat repasuhin ang mga patakaran nating may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot. Huwag nating kalimutang libu-libong Pilipino na ang namatay sa ngalan ng giyera laban sa iligal na droga. Sa ilalim ng administrasyong Duterte, nakapagtala ang pulisya ng anim na libong nasawi sa kanilang mga operasyon, mas maliit sa dalawampu hanggang tatlumpung libong naitala ng mga human rights groups. Halos anim na buwan mula nang maupo si Pangulong Bong-Bong Marcos, Jr. apatnapu’t anim lamang ang naitala ng pulisya, mas mababa rin kumpara sa mahigit isandaang naitala ng UP Third World Studies Center.
Mayroon ding mga paglabag sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng kampanya laban sa iligal na droga. Bago matapos ang Nobyembre, nahatulan namang guilty sa pagto-tortyur, pagpaslang, at pagtatanim ng mga pekeng ebidensya ang mga pulis mula sa Caloocan na akusado sa pagpaslang noong 2017 kina Carl Arnaiz, 19 na taong gulang, at Reynaldo de Guzman, 14 na taong gulang.
Ipinaaalala ng mga turo ng Simbahan ang importansya ng katuwiran at katapatan sa panunungkulan. Ang pagtataguyod sa dignidad ng tao ang pundasyon at pangunaging dahilan ng pulitika. Dahil rito, responsibilidad ng mga nanunungkulang kilalanin at protektahan ang karapatang pantao ng bawat indibidwal. Sa pamamagitan nito, tunay na maitataguyod ang kabutihang panlahat o common good kung saan walang pinapatay nang walang kapararakan at bawat isa’y tinitingnang biyaya dahil nilikha siyang kawangis ng Diyos.
Sa madugong giyera laban sa iligal na droga, dignidad at mga karapatang pantao ng marami nating kapatid ang niyurakan. Marami sa kanilang nanawagan pa rin para sa hustisya. Kaya naman lubhang nakababahalang ginagawa pa mismo ang bentahan sa opisina ng mga dapat nagliligtas sa atin mula sa kapahamakang dala ng iligal na droga.
Mga Kapanalig, katulad ng paalala sa Lucas 12:48, “Ang binigyan ng marami ay pananagutin ng marami at ang pinagkatiwalaan ng marami ay papanagutin sa higit na marami.” Mabigat na tungkulin ang nakaatang sa mga nagpapatupad ng giyera laban sa iligal na droga, kaya dapat siguruhin nating napananagot sila sa bawat pagkakamaling ginagawa nila. Huwag tayong mapagod na punahin ang patuloy na pagdanak ng dugo at manawagan ng hustisya. Hindi katulad ng mga iligal na drogang nasasabat, hindi mare-recycle ang buhay ng tao.