725 total views
Mga Kapanalig, tradisyon na ng maraming Katolikong Pilipino ang paghahanda ng noche buena pagpatak ng alas-dose sa araw ng Pasko. Naglalaan tayo pera, panahon, at pagod para may mapagsaluhan ang pamilya. Bagamat wala ito sa Bibliya o sa mga turo ng Simbahan, marami ang nakararamdam ng diwa ng Pasko kapag mayroon silang handang mapagsasaluhan ng pamilya. Kaya hindi naman siguro masamang maghangad ng masarap at disenteng handa ngayong Pasko.
Ayon sa Department of Trade and Industry (o DTI), tumaas ng 10% ang presyo ng karamihan ng mga produktong kadalasang ginagamit sa pagluluto tuwing bisperas ng Pasko. Sa inilabas na price list para sa mga konsyumer, ipinakita ng DTI kung anu-ano ang kayang bilhin ng isang pamilya sa halagang 500 piso. Nakatanggap ng iba’t ibang reaksyon sa social media ang ahensya matapos nitong sabihing kasya naman daw ang 500 piso para sa noche buena ng isang pamilyang may apat hanggang limang miyembro. Mapagkakasya naman daw ang 500 piso para sa spaghetti sauce, fruit cocktail, condensada, tinapay, keso, at hamon. Sinabi pa ng ahensyang diskarte lang daw ang kailangan, gaya ng pagbili ng mga bundled items at ng paggamit ng ketchup sa halip na spaghetti sauce. Wala pa sa listahan nila ang mantika at iba pang pansahog gaya ng sibuyas na hanggang ngayon ay sobrang mahal pa rin.
Nakalulungkot na ang mga nagsasabing kayang makapaghanda ng noche buena sa kakarampot na halaga at nagpapaalala sa ating matutong dumiskarte ay mga hindi nakararanas ng pagkalam ng sikmura, hindi nakatatanggap ng mababang pasahod sa trabaho, at hindi napipilitang bumili ng tingi-tingi. Out of touch na nga yata sa tunay na buhay ang karamihan ng mga taong nasa gobyerno. Sasapat nga ba ang limandaang piso para sa nakabubusog na handa ng isang pamilyang may limang miyembro? Tila insulto ito para sa mga ordinaryo at mahihirap na pamilya. Tila ba ipinakikita nitong kung hindi man mababa ang tingin ng mga nakaupo sa gobyerno sa mga mamamayan, napakalayo ng kanilang estado sa buhay sa tunay na karanasan at realidad ng mga ordinaryong Pilipino. Layunin man ng DTI na makatulong at makapagbigay daw ng ideya para sa noche buena, mas lumalabas ang pagiging manhid nila sa tunay na kalagayan ng maraming Pilipino.
Ang pamahalaan ang dapat na unang magkaroon ng kamalayan sa karanasan ng mga mamamayan. Paano maitataguyod ang dignidad ng mahihirap kung wala man lang pagsisikap na katagpuin at lubusang intindihin ang kanilang kalagayan? Paano tataas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino kung ang ibinibigay ng mga ahensya ng pamahalaan ay mga turo tungkol sa pamamaluktot kapag maikli ang kumot sa halip na pangmatagalang solusyon sa paghihigpit sa sinturon ng mga Pilipino?
Sa Catholic social teaching na Evangelii Gaudium, tinatawag ang bawat indibidwal at komunidad na maging instrumento ng Diyos sa pagpapalaya at pagtataguyod sa mahihirap upang maging ganap silang bahagi ng lipunan. Kaakibat nito ang pagkakaroon natin ng kababaang-loob upang makinig sa mga daing ng mahihirap at ng sigasig sa pag-aabot sa kanila ng tulong. Gobyerno sana ang nangununa rito.
Mga Kapanalig, mahalagang tungkulin ng pamahalaan ang pagtugon sa problema ng kahirapan sa ating bansa, kaya’t marapat lamang na may pakialam at kumikilos ang ating mga lider. Bagamat mas mahalaga sa ating kasama natin ang mahal natin sa buhay sa bisperas ng Pasko, karapatan ng bawat mamamayang Pilipino na magkaroon ng disenteng pagkain hindi lamang ngayong Pasko kundi araw-araw. Gayunpaman, punuin natin ng pag-asa ang ating mga puso ngayong Kapaskuhan, gaya ng sabi sa Mga Awit 34:6, “nagalak ang aping umasa sa kanya, ‘pagkat ‘di nabigo ang pag-asa nila. Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa, sila’y iniligtas sa hirap at dusa.”