1,274 total views
Nagpapasalamat ang Guanella Center, Inc. sa mga ipinamahaging tulong ng Radio Veritas at Caritas Manila para sa 35 kabataang mayroong ‘special needs’ na kinakalinga at tinutulungan ng institusyon.
Sa ginanap na outreach program at gift giving ng kapanalig na himpilan at social arm ng Archdiocese of Manila, namahagi ito ng diapers, grocery, food packs, at gift certificate sa mga magulang na mayroong inaalagaang special children.
Ayon kay Guanella Center persons with disability social worker Sr. Elsa Malinao, RSW, malaking ginhawa para sa institusyon at pamilya ang mga natanggap na tulong upang mapagaan ang ilang gastusin na kinakailangan sa mga special children.
“Napakalaking bagay po ‘yon. Napaka-thankful po namin. Ako po ang laki ng pasasalamat ko, alam naman po natin kung gaano ka-tight ngayon ‘yung budget ng bawat isa. So, ‘yung pag-respond pa lang ng Caritas Manila at Radio Veritas sa amin ay napakalaking blessing na po siya,” pahayag ni Sr. Malinao sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi naman ni Sr. Malinao na pagsubok ang pag-aalaga sa mga may kapansanan sa pag-iisip, dahil kailangan dito ang mahabang pasensya at higit na pang-unawa sa kanilang kalagayan.
Ipinaliwanag ng madre na kapag ito’y natutunan at naisapuso ay magiging madali at magaan na ang tungkuling maturuan at matulungan ang mga mayroong special needs.
“Yakapin mo, tanggapin mo ‘yung buong-buo nila. Kasi kumbaga, sino pa ba ang magmamahal sa kanila kun’di kami-kami rin lang naman… Every day is a learning kasi kumbaga, ikaw sa sarili mo na madi-discover mo na napakablessed mo kasi kumpleto ka. Madidiscover mo sa sarili mo na mas nakakaintindi ka,” ayon kay Sr. Malinao.
Ang Guanella Center ay itinatag noong 1999 at pinamamahalaan ng Missionary Religious Congregation of the Servants of Charity o Guanellians na ang layunin ay kalingain ang mga mahihirap na kabataang mayroong kapansanan.