1,204 total views
Nagpaabot ng pagbati si Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio sa lahat ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) na pinalaya bago ang pasko ng pagkasilang ni Hesus.
Ayon sa Obispo na kasaping miyembro ng prison ministry ng Simbahan, mahalaga at napapanahon ang pagpapalaya sa mga bilanggo upang makapiling ang mga mahal sa buhay sa pagsapit ng pasko at pagsalubong sa bagong taon.
“Congratulations doon sa mga napalaya at maraming salamat din sa mga ahensya ng gobyerno na tulong tulong upang itong mga kapatid natin ay makaisa sa kanilang mga pamilya lalong lalo na sa paskong ito at sa bagong taon.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Oscar Jaime Florencio sa Radio Veritas.
Itinuring ng Obispo ang kalayaang ipinagkaloob ng Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology sa mga eligible PDLs na magandang regalo.
“Ito po ay magandang kanilang gift on this Christmas and this New Year, so ito po ay siguro bigyan po natin ng congratulations ang ating BJMP at saka yung Bureau of Corrections na kung saan sila po ay hinihikayat nila na mayroon po tayong palalayain na ganito karami.” Dagag pa ni Bishop Florencio.
Binigyang diin naman ni Bishop Florencio na ang pagbibigay ng kalayaan sa mga karapat-dapat na mga bilanggo ay hindi nangangahulugang gumawa ng masama at lumabag sa batas ang sinuman.
“Hindi ibig sabihin na anyway pinapalaya din tayo ay okay lang gumawa ng mga hindi karapat-dapat, hindi po. Kung ano yung alam natin na hindi tama ay hindi tama talaga yan. Mananatili tayo sa mga mabuting”.paliwanag ni Bishop Florencio.
Ilang araw bago ang pasko ay pinalaya ng BuCor ang mahigit sa 300 bilanggo kung saan 129 sa nasabing bilang ay nabigyan ng parol, 154 ang o nakumpleto na ng kanilang sentensya, walo naman ang pinawalang sala ng hukuman at 33-senior citizens ang pinalaya.
Unang umapela ang Kanyang Kabanalan Francisco ng “gesture of clemency” sa mga lider ng iba’t ibang bansa para sa mga eligible PDLs ngayong pasko.