2,561 total views
Hinimok ng Diocese of San Carlos, Negros Occidental ang mananampalataya na dumalo sa mga banal na pagdiriwang sa December 25, Dakilang Kapistahan ng Pasko ng pagsilang ng Panginoong Hesus, at sa January 1, Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos.
Sa inilabas na liham-sirkular ni Bishop Gerardo Alminaza, sinabi nito na ang mga nabanggit na araw ay kabilang sa mga Pistang Pangilin o Holy day of obligation na kailangang dumalo sa misa ang mga mananampalataya.
“The faithful who attend the Eucharistic Celebration during these events are considered to have fulfilled their obligation for Sundays and Holy Days.” pahayag ni Bishop Alminaza.
Ipinag-uutos din ni Bishop Alminaza na ang mga dadalo naman sa mga banal na Misa sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon ay nagampanan na rin ang tungkulin ng pagdalo sa misa ng Linggo at Pistang Pangilin.
Tagubilin naman ng Obispo na nawa ang pagdiriwang sa pagsilang sa ating Tagapagligtas ay magdulot ng pag-asa at kagalakan sa kabila ng mga nangyayaring krisis sa kapaligiran, gayundin ang patuloy na paggabay ni Maria, Ina ng Diyos sa bawat isa.
Samantala, dahil naman sa pananatili ng banta ng coronavirus disease sa lipunan, pinaalalahanan ng Department of Health at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang publiko na patuloy na sundin ang minimum public health standard tulad ng pagsusuot ng face mask at paggamit ng alcohol sa pagdalo sa mga pagtitipon.