345 total views
Mga Kapanalig, binibigyan nating mga Pilipinong Katoliko ng natatanging pagsamba ang Sto. Niño, ang batang Hesus. Sa kabila nito, nakalulungkot na ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may pinakamalalang suliranin sa pang-aabuso ng mga bata. Noong nakaraang buwan, dumalaw sa ating bansa ang UN Special Rapporteur on the Sale and the Sexual Exploitation of Children upang matingnang mabuti ang sitwasyon ng mga batang naging biktima ng pang-aabusong sekswal, lalo na sa tourism industry. Aniya, hindi ito napag-uukulan ng sapat na pansin ng mga awtoridad sa ating bansa.
Nakababagabag ang ganitong hindi pagtutugma ng ating pananampalataya at ng ating mga ginagawa. Nang lumaganap noon ang mga pagpatay sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng iligal na droga, nanatiling tahimik ang karamihan ng mga Katoliko sa kabila ng malinaw na paglabag sa karapatan ng mga napaslang. Sabi ng iba, masamang tao naman daw ang mga pinatay. Ngunit hindi maitatangging ang pagpatay sa kanila ay paglabag sa karapatang pantao at sa batas ng Diyos.
Sa kaso naman ng pang-aabuso sa mga bata, tatahimik din lang kaya tayo? Sisisihin lang ba natin ang mga magulang ng mga batang ito? Ito lamang ba ang magagawa natin?
May natatanging pagtingin ang ating Panginoon sa mga bata. Sa Mateo 18:3 at 6, sinabi ni Hesus, “malibang kayo’y magbago at maging tulad sa mga bata, kailanma’y hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.” At nagbabala pa Siya sa sinumang mananakit at magpapahamak sa mga bata nang sabihin niyang “…ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa pusod ng dagat.”
Sa araw na ito, ipinapaalala sa atin ng ating Ebanghelyo ang utos na pagpaslang ni Haring Herodes sa mga inosenteng sanggol at bata dahil lamang sa ayaw niyang maagaw sa kanya ang kanyang kapangyarihan. May ganitong mga Herodes pa rin ngayon sa ating mundo at bansa. Pinakamahina at walang kalaban-laban ang mga bata sa harap ng pang-aabuso ng mga higit na malakas at may kapangyarihan.
Inirekomenda ng UN Special Rapporteur sa ating gobyernong magtatag ng espesyal na mga korte para sa mga kasong sangkot ang mga bata at ang isailalim sa pagsasanay ang mga kawani ng gobyerno ukol sa proteksyon ng mga bata. Tayo, mga Kapanalig, ano naman ang maaari nating gawin?
Isa ang pagtuturo sa loob ng ating pamilya kung paano dapat tratuhin ang mga bata nang may respeto at pangangalaga sa kanilang pagkatao at kapakanan. Tayo mismo ay dapat magbigay ng halimbawa ng ganitong uri ng pagtrato sa mga bata. Maging mapagmasid din tayo kung may nagaganap na pang-aabuso sa mga bata sa ating mga kapitbahayan at komunidad. Ipagbigay-alam natin ang mga ito sa mga kinauukulan. Kung may kakilala tayong hindi mabuti ang pagtrato sa mga bata, tungkulin nating pagsabihan siya at punahin ang kanyang ginagawa. Malaki ang maitutulong ng bawat isa sa atin sa paghubog ng isang kulturang pinoproteksyunan ang mga musmos.
Mga Kapanalig, winika ni Pope Francis sa Fratelli Tutti na ang lahat ng tao ay may dignidad na ‘di maaring labagin sa anumang yugto ng kasaysayan, at walang sinumang maaring ipalagay ang sarili na may karapatang hindi ito kilalanin o kumilos ng labag dito. May mga taong ang tingin sa mga bata ay hindi pa ganap na taong kapag may inaabuso, pinagsasamantalahan, at sinasaktan ay malilimutan lamang nila ang mga ito at hindi maaapektuhan ang kanilang pagtingin sa sarili at sa kapwa sa kanilang paglaki. Maling-mali ito. Lalong sensitibo ang mga bata at lalong dapat nararanasan nila sa murang edad na tinatrato sila nang may dignidad at halaga.