1,292 total views
Ipinaalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) na salubungin ang bagong taon na dala ang bagong pag-asa.
Ito ang mensahe para sa sektor ng edukasyon ni La Union Bishop Daniel Presto, Vice Chairman ng CBCP-ECCCE ngayong kapaskuhan at nalalapit na bagong taon.
“Kaya nga’t magandang pagnilayan hindi lang ang celebration, hindi lang yung naging paghahanda natin, kungdi yung pag-ibig na ito ng Diyos sa atin, na nagmamahal sa atin at maganda ring pagnilayan natin ang hinggil sa pangalang Emannuel, madalas naririnig natin yan, ang pangalang Emannuel ay nangangahulugang and Diyos ay sumasaatin,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Hinimok rin ni Bishop Presto ang mga estudyante, guro, administrators at kawani ng mga paaralan na maging biyaya sa kapwa.
Ito ay sa pamamagitan ng pagtulong at pagpapadama ng pag-ibig ng Diyos sa kapwa sa kahit anumang maliliit na paraan.
“Sa patuloy nating pagmamahal, sa patuloy nating paggawa ng mabuti at gayunding pagrespeto sa ating kapwa, ngayon mga kapatid alam natin pagkat new year’s resolution, mayroon tayong mga ginagawa na nais baguhin sa ating sarili, ngayon ay ganapin at hilingin natin sa Diyos ang lakas upang ang kaya nating baguhin sa ating sarili ay maganap natin tuloy-tuloy, sa tulong ng Poong maykapal,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Sa pagsalubong ng taong 2023, inihayag ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang layuning matugunan ang suliranin ng Learning Poverty na idinulot ng pandemya.