1,741 total views
Kapanalig, magbabagong taon na naman, at siyempre, karamihan sa atin laging may new year’s resolutions. Ang kalusugan ay isa sa mga nangungunang resolutions ng marami nating kababayan. Nais natin na maging mas healthy, physically at mentally, ngayong darating na bagong taon. May mga nangangako ngayon na mag mas eexercise na sila, mas kakain ng tama, o mag-diyeta.
Ang pagbibigay focus o tutok sa kalusugan ay hindi lamang dapat maging goal o layunin ng mga mamamayan. Dapat ang pamahalaan, gawin din itong prayoridad. Marami ring pagbabago ang kailangan sa ating health sector para tunay na matulungan nito ang mas marami nating mga kababayan.
Kailangan, kapanalig, ngayong 2023, mas mapataas pa natin ang access to health sa ating bansa. Ang inekwalidad sa access sa kalusugan ay kitang kita sa imprastraktura pa lamang. Karamihan sa mga health facilities sa ating bayan ay nasa mga siyudad, lalo na dito sa Metro Manila. Madalang o mas kaunti ang mga malalaking hospital, pribado man o publiko sa mga lalawigan. Ang ganitong sitwasyon, kapanalig, ay nagpapakita ba na ang health facilities ay concentrated lamang sa mga lugar kung saan nakatira ang mga mas mapera? For profit ba talaga ang health care sa bansa?
Isa pang isyu pagdating sa kalusugan kapanalig, kahit mayaman ka pa nga o mahirap, ay ang pagkamahal-mahal ng health care sa bansa. Kapag nagkaroon ng catastrophic illness ang sinuman sa isang pamilya, halos limasin na ang resources ng mga pamilya, kahit pa may PhilHealth pa silang pinanghahawakan. Tinatayang umaabot ng 40% ng capacity to pay ng pamilyang Filipino ang mga catastrophic health expenditures. Isang halimbawa ay ang pangangailangan sa dialysis – may mga pasyente na kailangan nito ng tatlong beses kada linggo. At bawat pagpunta mo dito, libo-libo ang bayad dito. Kapag inatake sa puso at kailangang operahan, umaabot ng kalahating milyon o higit pa ang kailangan. Wala pa rito ang gamot at room accommodation.
Ang nutrisyon din, kapanalig, ay kailangan tutukan. Mas mahirap kumain ng masustansyang pagkain ngayon dahil mas mahal na ang mga bilihin. Ang gulay, mga sangkap sa pagluluto, ang mga karne at isda, ay napakamahal. Sabi nga ng World Bank, prevalent ang micronutrient malnutrition sa ating bansa. Mga 38% ng mga sanggol na anim hanggang labing isang buwan ay nakakaranas nito, at 26% naman sa mga batang may edad 12 hanggang 23 months. Mga 20% ng mga nanay ay anemic naman.
Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang general weekly audience noong Pebrero 9, 2022: The right to care and treatment for all must always be prioritized, so that the weakest, especially the elderly and the sick, are never discarded.” Sana ngayong bagong taon, mas mapabuti pa natin ang health care sa Pilipinas upang mas maraming mga Filipino ang mamumuhay ng mas malusog at mas malakas ngayong 2023.
Sumainyo ang Katotohanan.