1,126 total views
Dalangin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang lubusang paggaling ni Pope Emeritus Benedict XVI.
Ayon sa Arsobispo, nawa’y maranasan ng dating Santo Papa ang kalinga ni Hesus na dumating para sa katubusan ng sanlibutan.
“Nawa sa panahong ito ng kapaskuhan, maranasan ni Pope Benedict XVI ang presensya ni Hesus na ating Liwanag at Tagapagligtas. Ipagkatiwala natin siya sa Diyos at sa pagkalinga ng Mahal na Birhen,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Matatandaang hiniling ni Pope Francis sa mananampalataya ang panalangin para sa paggaling ni Pope Emeritus Benedict XVI na kasalukuyang nakararanas ng matinding karamdaman sa edad na 95- taong gulang.
Tiniyak ni Cardinal Advincula ang pakikiisa sa panawagan ni Pope Francis kasabay ang apela sa mga Pilipino na magbuklod sa panalangin para sa dating punong pastol ng simbahan.
“Hinihiling ko na isama natin si Pope Benedict XVI sa mga intentions ng ating mga Misa, magsama-sama tayo sa pananalangin, Holy Hour, at pagro-rosaryo para kay Pope Benedict,” ani ng cardinal.
Taong 2013 nang magbitiw sa panunungkulan bilang santo papa si Pope Benedict XVI dahil sa karamdaman subalit nanatili itong nakasuporta sa liderato ni Pope Francis sa pangangasiwa sa 1.4 bilyong katoliko sa buong mundo.
2005 nang maihalal ang dating santo papa bilang kahalili sa namayapang si St. John Paul II.
Naunang nagpaabot ng panalangin si San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari at Kidapawan Bishop Jose Collin Bagaforo para sa mabilis na paggaling ng dating Santo Papa.
Bishop Mallari, nagpaabot ng panalangin kay Pope Benedict XVI
Obispo, nanawagan ng sama-samang pagdarasal sa kagalingan ni Pope Benedict
Inialay din ng Diocese of Balanga ang lahat ng misa sa Bataan para sa kagalingan ni Pope Emeritus Benedict XVI.
Mga Misa sa Diocese ng Balanga, iaalay sa kagalingan ni Pope Benedict XVI