1,131 total views
Mahalagang gampanin ng mga Overseas Filipino Workers sa pagpapalaganap ng pananampalataya sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ito ang nakita ni Fr. Fabio Baggio, undersecretary ng Migrants and Refugees section ng Vatican Dicastery for Promoting Integral Human Development, kung saan maliban sa pakikipagsapalaran sa ibang bansa para maghanapbuhay ay epektibo rin ang mga Filipino bilang tagapagpalaganap ng pananampalatayang Katoliko.
Ayon kay Fr. Baggio, ipinagkatiwala ng Panginoon sa mga migrante ang kakayahang mahikayat muli ang mga nawalan ng pananampalataya na magbalik-loob kay Kristo at muling magkaroon ng pag-asa sa buhay.
“They are entrusted, and you are entrusted with very special missions. You are evangelizers in different parts of the world. And those who have never known Jesus Christ, you are the first evangelizers. Those regions simply lost their faith because secularism obscured their faith, and they were in charge of lighting the candle of faith there,” pahayag ni Fr. Baggio sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng pari na ang kultura at tradisyon ng mga Filipino na nakadikit sa Kristiyanismo ang dahilan kaya’t itinuturing na misyon ng mga migrante ang pagpapalaganap ng pananampalataya saan mang bahagi ng mundo.
Samantala, ibinahagi naman ni Fr, Baggio na nakatuon ang Vatican Migrants and Refugees Section sa pagsusulong ng kultura ng pagsasama-sama gayundin ang pangangalaga sa isa’t isa.
Paliwanag ng opisyal na nais ng simbahan na ipadama sa mga migrants at refugees na bagama’t malayo sa mga mahal sa buhay ay hindi sila nag-iisa at mayroong pag-asa sa anumang hinaharap na pagsubok sa buhay.
“The Dicastery for the forthcoming years, also in preparation for the Jubilee, is looking at migration as a sign of hope. It’s one of the signs of the times, but it’s also a sign of hope for all humankind. Humankind, which appears to be becoming more divided by the day, requires a great deal of fraternity and union, and migration is fostering the culture of encounter, which Pope Francis frequently mentions in his speeches,” ayon kay Fr. Baggio.
Si Fr. Baggio ay bumisita sa Diocese of Balanga, Bataan upang saksihan ang paglikha sa Diocesan Migrants’ Ministry at pagtatalaga sa pamunuan nito na mangangasiwa sa pangangalaga sa mga migranteng Filipino at mga naiwan nitong pamilya sa bansa na saklaw ng diyosesis.
Ginanap ito sa St. Josephine Bakhita Parish sa Tala, Orani, Bataan sa pangunguna ni Balanga Bishop Ruperto Santos na siya ring vice-chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People.