1,529 total views
Patuloy ang pagtulong ng social arm ng Archdiocese of Ozamis sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha bunsod ng malakas na pag-uulang dulot ng low pressure area at shearline sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Batay sa ulat ng NASSA/Caritas Philippines, patuloy na tinutugunan ng Caritas Ozamis ang pangangailangan ng mga nagsilikas na pamilya sa pamamagitan ng hot meals, food items, at non-food items tulad ng mga damit at iba pang pangangailangan.
Binuksan din ng Archdiocese of Ozamis ang mga parokya upang magsilbing evacuation centers ng halos 1,800 pamilya o higit sa 7,500 indibidwal partikular na sa lalawigan ng Misamis Occidental.
Batay sa huling ulat ng Misamis Occidental Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa higit 10-libong pamilya o 42,600 indibidwal ang biktima ng kalamidad.
Naiulat din na 32 katao na ang nasawi habang walo naman ang patuloy na pinaghahanap.
Nangako naman ang Caritas Ozamis na patuloy na makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para sa rapid assessment upang matiyak ang kalagayan ng lahat ng biktima ng sakuna.
Nauna nang nanawagan ng pananalangin at pagtulong si Ozamis Archbishop Martin Jumoad para sa mga biktima ng kalamidad sa Northern Mindanao maging sa mga karatig na lalawigan.