40,441 total views
Nagpadala na ng P200 libong piso halaga ng tulong ang Caritas Manila para sa Archdiocese of Ozamis matapos makaranas ng pagbaha ang maraming residente sa Misamis Occidental.
Labis ang naging pasasalamat ni Rev. Fr. Marvin Osmeña, ang Social Action Director ng Archdiocese of Ozamis sa Caritas Manila sa paunang tulong nito para sa mga apektadong pamilya.
“kanina nagpunta na ako sa grocery nakatanggap ako ng worth P200,000 galing sa Caritas Manila, salamat po sa Caritas Manila kay Rev. Fr. Anton [Pascual] at sa mga supporters ng Caritas [Manila] Salamat po sa inyo” mensahe ni Fr. Osmeña sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon pa sa Pari, marami pa din sa mga naapektuhan ng pagbaha ang nananatili ngayon sa mga evacuation center at posibleng dito na abutin ng paglipat ng taon.
“Nandito na kami sa phase na nakuha na namin yung data kung ilan so far yun ibang mga tao hinay-hinay bumabalik na sa kanilang mga bahay pero mas marami ang hindi pa nakabalik kasi totally destroyed at yun iba partially destroyed ang bahay nila marami pa din putik sa may tatlong municipality dito sa Misamis Occidental.” pahayag ng Social Action Director ng Archdiocese of Ozamis.
Nakikita ng Arkidiyosesis ang magiging pangangailangan ng mga apektadong residente sa muling pagpapatayo ng kanilang mga bahay.
Apela ni Fr. Osmeña ang patuloy na dasal ng mga mananampalataya para sa mga biktima ng pagbaha lalo na sa kanilang magiging pagbangon.
Sinimulan naman ng Caritas Manila ang donation drive nito upang lalo pang makatulong sa Misamis Occidental.
Para sa mga nais magbahagi ng kanilang tulong o donasyon ay maaring makipag-ugnayan sa numerong 8562 0020 hanggang 25 local 118, 13 o sa mobile number na 0917 595 5083.