1,377 total views
Sama-samang iwaksi ang korapsyon at anumang katiwalian upang mapanibago ang sistema sa pamahalaan at mapabuti ang buhay ng maraming Pilipino.
Ito ang mensahe at pananalangin ni Borongan Bishop Crispin Varquez para sa Bagong taon ng 2023.
“Para po sa lahat ng mga Kristiyanong Katoliko at sa ating lahat po dito sa Pilipinas at sa buong mundo ako po ay bumabati sa inyo ng Merry Christmas and Happy New year full of hope and courage na panghawakan natin,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Varquez.
Ayon pa sa Obispo, ang pagbabago ng taon ay sumisimbulo din ng pagbabago sa buhay ng bawat isa.
Umaasa si Bishop Varquez na mapanibago ang mga luma at hindi mabuting nakagawiang paraan ng pamumuhay upang maging biyaya sa kapwa at kawangis ng Panginoon.
“Isa po ito sa mga dapat tignan, sama-samang nating marating ang pagbabago po ng isang bansa, pagbabago ng isang simbahan na ang tao mismo ay mag-decide sa pagbabago sa takbo ng kaniyang buhay, buhay na kalugod-lugod sa Panginoon at kalugod-lugod sa kapwa,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Varquez.
Una ng naging mensahe ni La Union Bishop Daniel Presto para kapaskuhan at bagong taon para sa bawat isang kabilang sa sektor ng edukasyon na salubungin ang 2023 na dala ang bagong pagasa at ipagpatuloy ang pagiging biyaya sa kapwa.