632 total views
Dakilang Kapistahan ni Maria na Ina ng Diyos
Num 6:22-27 Gal 4:4-7 Lk 2: 16-21
Kilala ang January 1 na New Year’s Day. Ito ang unang araw ng bagong taon. Sa ating misa ipinapasalamat natin ang taong nakaraan at pinapaubaya natin sa Diyos ang bagong taon. Para sa simbahan naman ang January 1 ay ang huling araw ng Christmas Octave, ang walong araw ng pagdiriwang ng Pasko. Napakadakilang kapistahan ang Pasko na hindi sapat na ipagdiwang ito ng isang araw lamang. Ipinagdiriwang natin ito ng walong araw. Bilang ika-walong araw pagkapanganak kay Jesus, ito rin ang araw ng pagtutuli sa kanya ayon sa kaugalian ng mga Hudyo – at alalahanin natin na si Jesus ay isang Hudyo. Sa pagtutuli ng bata, doon siya binibigyan ng kanyang pangalan. Kaya ang sanggol na isinilang noong December 25 ay binigyan ng pangalan ni Jose na Jesus ayon sa sinabi ng anghel sa kanya.
Ngayong araw din ay ang ika-56 na taon ng pagdiriwang ng World Day of Prayer for Peace. Kapayapaan ang hangarin nating lahat, lalo na ngayon na may digmaan sa Europa sa Ukraine at sa iba pang bansa, lalo na sa Africa. Sinabi na Papa Francisco na parang nasa mga World War III na tayo na ang mga digmaan ay nasa maraming bahagi ng mundo. Ipagdasal natin sa Diyos na pagkalooban ang mundo ng kapayapaan. Ang kapayapaan ay isang regalo ng Diyos. Kaya hindi tayo magsawang manalangin sa Diyos na pagkalooban tayo nito. Palambutin nawa ang mga puso ng mga leaders at pairalin sa puso ng bawat tao ang hangarin ng kapayapaan. Sana matuto tayo na kung anuman ang ipinaglalaban natin, kahit gaano man kabuti, hindi natin ito makukuha sa pamamagitan na paraang madahas na nakakasakit sa iba at nagdadala pa ng kamatayan. Nagkakaroon ng kapayapaan at katarungan sa pamamagitan lamang ng mapayapang pamamaraan.
Nagpapasalamat tayo sa Diyos na nakatungtung na tayo ngayon sa taong 2023. Hindi naging madali ang 2022. Hindi pa natatapos ang Covid 19 epidemic. Nagkaroon tayo ng election noong buwan ng Mayo. Pagkalipas ng pitong buwan pagkatapos ng halalan, kontento ba tayo sa mga taong inihalal? Tinutupad ba nila ang kanilang pangako noong election, o nabudol na na naman ang bayang Pilipino? Sinalakay ng Russia ang Ukraine noong February 24, 2022 at tumatagal ang digmaan hanggang ngayon. Apektado tayo sa digmaang ito kasi tumaas ang presyo ng langis at ng mga bilihin. Hindi naging madali ang taong 2022 pero dumaan din ang taong iyon.
Ngayong nasa 2023 na tayo, ano kaya ang dadalhin ng bagong ito? Mahirap mahulaan. Pero tayong mga Kristiyano ay naniniwala na ang kasaysayan ay nasa kamay ng Diyos. Siya ang Panginoong ng Kasaysayan. Hindi lang siya nanunuod sa mga ginagawa natin. Ang Diyos ay nakikilakbay sa atin. Involved din siya sa ating kasaysayan. Pumasok siya at naging bahagi siya ng kasaysayan noong siya ay isinilang bilang isang tao.
Patuloy niyang ginagabayan ang ating kasaysayan tungo sa kaligtasan. Kaya umasa tayo sa kanya at tulad ni Maria itanim natin sa ating isip ang anumang mangyari at pagbulay-bulayan ang mga ito. Sikapin nating unawain ang kagustuhan at layunin ng Diyos sa mga pangyayari. Tanggapin natin ang bendisyon na sinabi ng Panginoon kay Moises na ibigay sa mga tao: “Pagpalain ka nawa at ingatan ng Panginoon; nawa’y kahabagan ka niya at subaybayan; lingapin ka nawa niya at bigyan ng kapayapaan.” Kahit anuman ang mangyari basta nandiyan ang Diyos na umiingat sa atin, makakayanan natin ang lahat! Kaya sa simula ng taon mahigpit nating hawakan ang kamay ng Diyos sa tulong ng ating Mahal na Ina.
Sa unang araw ng taon piniprisenta sa atin si Maria sa pinakamahalagang title niya – na siya ang Ina ng Diyos. Oo, si Maria ay isang ina. Pero hindi lang siya isang pangkaraniwang ina dahil si Jesus na anak niya ay hindi lang pangkaraniwan. Si Jesus ay hindi lang tao, siya ay Diyos na naging tao. Kaya masasabi natin na si Maria ay Ina ng Diyos kasi ang anak niya ay Diyos. Naging tao ang Diyos upang ibahagi niya sa atin ang kanyang pagka-Diyos. Ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu upang makatawag tayo sa Diyos ng “Ama! Ama ko!” Kaya naging anak tayo ng Diyos dahil sa Espiritung Banal. Anak na tayo ng Diyos kaya kapatid na natin si Jesus. Dahil dito ang nanay ng Anak ng Diyos ay naging nanay na rin natin. Si Maria ay ina ng Diyos at ina din natin.
Kailangan natin ng nanay sa simula ng ating buhay. Tanggapin din natin si Maria na ina natin sa simula ng bagong taon. Ang presensiya ng nanay ay nagpapatatag sa atin. Tulad ng kinalinga ni Maria ang kanyang anak na si Jesus, kakalingain din niya tayo na mga kapatid ng anak niya. Sikapin lang natin na maging tunay na kapatid ni Jesus.
Sinimulan natin ang ating pagdiriwang ng ika-400 na taon ng ating pagkakristiyano sa Palawan noong August 2022 at tatapusin natin ito sa August ng 2023. Ang pananampalatayang Kristiyano ay pananampalataya kay Kristo na ating Panginoon at ating kapatid. Si Jesus ay ating Panginoon sapagkat siya ay Diyos. Siya ay ating kapatid sapagkat siya ay kapwa tao natin. Hingin natin ang tulong ni Mama Mary na lumago tayo bilang tunay na mga kapatid ni Jesus.
Sa tulong ng Mahal na Ina pagsikapan nating palalimin at palawakin ang ating pananalig sa Diyos. Ngayong taon, maging aktibo tayo at generous sa pagbibigay ng panahon para manalangin, sa pagbibigay ng serbisyo sa simbahan, at sa pagbabahagi ng ating yaman upang suportahan ang mga gawain ng pagpapalawak ng pananampalataya. Magbalik handog tayo ng panahon, ng serbisyo at ng kayamanan. Sa simula ng taong 2023 na ito patatagin natin ang ating desisyon na maging generous tayo. Ang ating generosity ay tanda ng ating pananalig at pag-ibig sa Diyos. Hindi natin matatalo ang Diyos sa pagkamapagbigay.
Let us start this year not with doubt nor with fear but with confidence. Lumalakbay ang Diyos kasama natin kaya maging generous tayo.