2,293 total views
Itinakda ng Vatican sa January 5 ang paghihimlay kay Pope Emeritus Benedict XVI.
Sa abiso na inilabas ng Vatican pangungunahan ni Pope Francis ang Banal na Misa sa alas 9:30 ng umaga oras sa Roma sa St. Peter’s Square.
Kasalukuyang nakahimlay ang mga labi ng dating santo papa sa Mater Ecclesiae Monastery sa loob ng Vatican kung saan nanatili itong nakapribado.
Sa January 2 dadalhin ang mga labi sa St. Peter’s Square sa alas nuwebe ng umaga kung saan bubuksan ito sa publiko sa sinumang nagnanais bumisita at mag-alay ng panalangin kay Pope Emeritus Benedict XVI.
Una nang nakiisa ang simbahan sa Pilipinas sa pangunguna ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pananalangin sa kaluwalhatian ng kaluluwa ng dating pinunong pastol sa isa punto apat na bilyong katoliko sa buong mundo.
Magugunitang 2013 nang magbitiw sa panunungkulan ang dating santo papa dahil sa karamdaman makalipas ang walong taong paglilingkod nang maihalal bilang kahalili ni St. John Paul II noong 2005.