428 total views
Mga Kapanalig, kung marami sa atin ang nagdiwang ng Pasko kasama ang mga mahal natin sa buhay at sama-samang nagsasalu-salo habang dinarama ang malamig na simoy ng hangin, may mga kababayan naman tayong basáng-basâ, lubog sa baha, at nabalot sa dilim ang dapat sana ay masayang pagdiriwang.
Dahil sa pag-ulang dala ng tinatawag na shear line o ang pagsasalubong ng malamig na hanging amihan at ng mainit na hangin mula sa Pasipiko, maraming lugar sa Visayas at Mindanao ang lumubog sa baha sa bisperas ng Pasko. Nagpatuloy ang kanilang kalbaryo hanggang sa araw mismo ng Pasko. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa halos 25,000 pamilya ang kinailangang ilikas, ayon sa Office of Civil Defense. Mahigit 30 na ang naulat na namatay at marami ang hindi pa rin nahahanap. Magiting na sinagip ng mga rescuers ang mga kababayan nating naipit sa baha, at binuksan naman ang mga paaralan upang pansamantalang silungan ng daan-daang pamilyang lumubog sa baha ang kanilang bahay. Hindi naman narating ang ilang komunidad dahil sa mga nasirang tulay, at may mga bahay namang tinangay ng landslide at matinding agos ng dagat.
Sa kanyang mensahe at pagbibigay ng kanyang Urbi et Orbi blessing sa araw ng Pasko, ipinaalala ni Pope Francis sa ating mga Katoliko na ipinanganak si Hesus upang samahan tayo sa ating araw-araw na pamumuhay, upang maging kabahagi natin sa lahat ng bagay: ang ating mga kagalakan at kalungkutan, ang ating mga pag-asa at takot.
Para sa mga kababayan nating nasalanta ng pag-ulan at pagbaha, maaaring walang saysay ang mga salitang ito. Habang masaya at komportableng nagdiriwang ng Pasko ang marami sa atin, nasa panganib ang kanilang buhay, nasira ang kanilang mga tirahan, at nawala ang kanilang kabuhayan. Paano natin masasabi sa kanilang kapiling nila ang Diyos sa kanilang paghihinagpis at pagkatakot sa araw na itinuturing ng marami sa atin bilang pinakamasaya?
Walang sasapat na mga salita upang mapanatag ang ating mga kababayang nasalanta ng matinding pag-ulan sa Visayas at Mindanao. Kayâ higit sa pag-alala sa kanila sa ating mga panalangin, maaari nating maipadama sa kanila ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga gawa. Muli, gaya ng sinabi ni Pope Francis sa kanyang Urbi et Orbi, ang pagsilang ni Hesus sa isang mundong balót ng kawalang-pakialam at poot ay magtulak nawa sa ating magpakita ng ating solidarity o pakikiisa upang hatiran ng tulong ang mga nagdurusa.
Sa ating makakaya, ibahagi natin sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong ang mga biyayang natanggap natin hindi lamang nitong Pasko kundi sa nakaraang taon. Maliit man o malaki, makatitiyak tayong ang ating iniambag ay dadagdag sa kabutihang-loob ng ibang nagbibigay din. Maraming organisasyon ang tumatanggap ng donasyon upang mahatiran ng tulong ang mga nangangailangan sa Visayas at Mindanao. At makatitiyak tayong maging ang Simbahan ay ginagawa ang makakaya nito upang maging daluyan ng ating pakikiramay.
At kapag nakapagbahagi na tayo, huwag nating kalimutang alamin kung ano naman ang ginagawa ng mga tinawag ni Pope Francis sa Urbi et Orbi na may “political responsibilities”. Sila ang mga inaasahan nating mangangasiwa sa paggamit ng ating ibinabayad na buwis para sa kapakanan ng mga kababayan nating nangangailangan. Sila ang unang dapat maghatid ng tulong sa mga nasalanta.
Mga Kapanalig, narito si Hesus upang samahan tayo sa isang bagong taon, kung saan binibigyan tayo ng pagkakataong maging mga “bagong nilalang”, ayon nga sa 2 Corinto 5:17. Nawa’y simulan natin ang 2023 nang may bagong pag-asa—isang pag-asang sana ay ibinabahagi rin natin sa iba sa pamamagitan ng pagdadamayan, lalo na sa mga kapus-palad at malungkot na sisimulan ang bagong taon.