1,942 total views
Sabado ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Hebreo 4, 12-16
Salmo 18, 8. 9. 10. 15
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Marcos 2, 13-17
Saturday of the First Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Hebreo 4, 12-16
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid, sapagkat ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila’y talim. Ito’y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto, at nakatatalos ng mga iniisip at binabalak ng tao. Walang makapagtatago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit.
Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya’t huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo’y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 15
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ng kaisipan.
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Nawa’y itong salita ko at ang aking kaisipan,
sa iyo ay makalugod, Panginoon ko’t kanlungan,
O ikaw na kublihan kong ang dulot ay kaligtasan!
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 2, 13-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling pumunta si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao, at sila’y tinuruan niya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita niya si Levi na anak ni Alfeo, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig naman si Levi at sumunod.
Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, nakisalo sa kanila ang maraming publikano at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nakita ito ng ilang eskribang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya sumasalo sa mga publikano at sa mga makasalanan?” Narinig ito ni Hesus, at siya ay sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit, kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Dumating si Kristo upang tawagin ang mga makasalanan at sila ay maligtas. Mulat sa tawag na ito, may kababaang loob, ilapit natin ang ating mga panalangin sa Ama:
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Manggagamot, hipuin Mo kami.
Ang ating Simbahan nawa’y makita bilang mapagpagaling na tahanan ng mga mahihina at mga makasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nasa pampublikong tungkulin nawa’y isakatuparan nang malinis at tapat ang kanilang mga gawain, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagtalaga ng kanilang sarili sa Diyos nawa’y ibuhos ang kanilang buhay sa Diyos at sa Simbahan, tulad ni Maria, sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay sa pagdaralita, kalinisan at pagtalima, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong nabubuhay sa pagkakasala nawa’y tingnan nating lahat nang may habag at pang-unawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makaranas ng mapanligtas na kapangyarihan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, gabayan mo ang mga pag-iisip ng mga tinawag mo upang gumawa ng mga mahahalagang pagpapasya sa kanilang buhay. Bigyan mo sila ng mapag-unawang puso, tamang pagpapasya, at maalab na pagnanais na gawin ang anumang kalugud-lugod sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.