2,005 total views
Inaanyayahan ng Military Ordinariate of the Philippines ang mananampalataya na makiisa sa paglalakbay ng relikya ni St. Therese of the Child Jesus sa mga diyosesis sa bansa.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio, malaking biyaya ang muling pagdalaw ng relikya ni Sta. Teresita na isang paanyaya na muling papag-alabin ang pananampalataya ng bawat isa sa Panginoon.
“Tinatawag tayo upang maging kaalagad ni St. Therese na magpahayag ng mabuting balita sa mga nawala at patuloy na nawawala sa landas ng kabanalan. Tayo ay magiging buhay na saksi sa pagmamahal ng Diyos sa bawat isa,” pahayag ni Bishop Florencio.
Ang relikya ni Sta. Teresita ay darating sa bansa ngayong araw kasabay ng ika–150 kapangakan nito at magtatapos naman ang pagdalaw sa April 30, 2023.
Ganap na alas-4:30 ng hapon ay magkakaroon ng seremonya bilang pagsalubong sa relikya sa Shrine of St. Therese of the Child Jesus sa Newport City Complex, Pasay City na pangungunahan ni Bishop Florencio at susundan ng Misa na pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.
Tema ng pagdalaw ang ‘Lakbay Tayo St. Therese! Ka-Alagad, Kaibigan, Ka-Misyon!’
“Nawa’y sa pamamagitan ng pagdalaw na ito, mapalalim pa natin lalo ang ating pagmamahal at pananampalataya sa ating Panginoon sa pamamagitan ng tulong ni St. Therese of the Child Jesus,” ayon kay Bishop Florencio.
Unang dumalaw sa bansa ang pilgrim relic ni St. Therese taong 2000 at nasundan noong 2008, 2013, at 2018.