2,113 total views
Tularan ang kababaang-loob ni Santa Teresita ng Batang Hesus.
Ito ang pagninilay ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa ikalimang pagbisita ng Pilgrim Relics ni St. Thérèse of the Child Jesus sa Pilipinas.
Ayon kay Archbishop Brown, ipinakita ni Sta. Teresita ang kanyang kababaang-loob nang i-alay ang buhay paglilingkod sa Panginoon at piniling mamuhay nang payak at pagtalikod sa kinagisnang karangyaan.
“St. Therese shows us this little way in every moment of her life and because of her greatness as a saint of littleness, and we think about the paradox of her greatness is in her littleness, she becomes a saint. A saint who has loved throughout the entire world,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Paliwanag ng Arsobispo, ang mga katangian ni Sta. Teresita ang naghantong kaya’t siya’y minamahal at tinutularan ng maraming deboto hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
“Her greatness is in her littleness and she is loved throughout the entire world. She’s adored and venerated throughout the entire world. And we, here in the Philippines, continue that devotion in her 5th pilgrimage here to your beautiful country,” ayon sa kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas.
Si St. Therese na isang French Carmelite nun ay namayapa sa edad na 24 sanhi ng tuberculosis, at idineklarang Santo ni Pope Pius XI noong 1925.
Siya ay naging tanyag dahil sa kaniyang pagiging payak at praktikal sa kaniyang buhay pananampalataya na tinagurian ding ‘the greatest saint of the modern times’.
Dumating ang pilgrim relics ni St. Thérèse sa Shrine of St. Thérèse sa Newport City Complex, Pasay City nitong January 2, 2023, kasabay ng kanyang ika-150 taong kapanganakan.
Tema ng pagdalaw ng pilgrim relics ni St. Thérèse ang ‘Lakbay Tayo, St. Thérèse! Kaalagad, Kaibigan, Ka-Misyon’, na maglalakbay sa 53 arkidiyosesis at diyosesis mula Luzon, Visayas, at Mindanao hanggang April 30, 2023.
Una nang dumalaw sa bansa ang relikya ni St. Thérèse taong 2000 at nasundan noong 2008, 2013, at 2018.