565 total views
Mga Kapanalig, matapos ang tatlong taóng pagkakakulong, pansamantalang nakalaya sina Reina Mae Nasino at dalawa pa niyang kasamahan matapos silang makapaglagak ng surety bond na ₱282,000. Si Reina Mae ay isa sa tatlong inaresto sa opisina ng grupong Kadamay sa Tondo noong Nobyembre 2019 dahil sa illegal possession of firearms and explosives, bagay na mariin nilang itinatanggi.
Ngunit mas nakilala si Reina Mae dahil sa pagkamatay ng kanyang sanggol na inihiwalay sa kanya wala pang dalawang buwan mula nang ipanganak. Buntis noon ang 23-anyos na si Reina Mae nang hulihin siya, at nasa kulungan na siya nang isilang niya ang kanyang anak na pinangalanan niyang River. Kulang sa timbang ang bata ngunit pinabalik na sila sa Manila City Jail kung saan nanatili sila sa isang maliit na kuwarto. At dahil pinapayagan ng batas ng Pilipinas na manatili ang sanggol sa kanyang inang nakakulong sa loob lamang ng isang buwan, napilitan si Reina Mae na paalagaan sa kanyang ina ang kanyang anak.
Gaya ng inaasahan, lumubha ang kalusugan ng bata. Ilang beses na dinala sa ospital si Baby River dahil sa diarrhea. Sa kabila nito, hindi pinayagan si Reina Mae na makita at alagaan ang kanyang anak. Pagsapit ng ikatlong buwan ni Baby River, muli siyang naospital dahil naman sa pneumonia. Ito ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa araw ng libing, pinahintulutan si Reina Mae na dumalaw sa kanyang munting anghel. Ngunit dahil sa banta ng COVID-19, naka-PPE siyang dumating sa kanilang tahanan, nakasuot pa ng posas at pinalibutan ng napakaraming tauhan ng city jail. Tanging mga daliri lamang ni Reina Mae ang nakadapo sa katawan ng kanyang sanggol. Hanggang sa huli, pinagkaitan siya ng pagkakataong maging ina.
Ilan kaya ang mga inang katulad ni Reina Mae na nagtitiis sa loob ng kulungan at hindi makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay, lalo na ang kanilang mga anak?
Sa datos ng Bureau of Jail Management and Penology noong Hunyo 2022, may mahigit 13,000 na women PDLs o persons deprived of liberty sa iba’t ibang kulungan sa bansa. Ang mga nasa correctional institutions naman ay aabot sa mahgit 3,358, batay naman sa datos ng Bureau of Corrections noong 2021. Hindi pa natin pinag-uusapan ang mga babaeng nakapiit sa mga presinto ng pulis, at wala ring malinaw na datos kung ilan ang nagdadalantao o may mga anak. Mas kaunti ang mga babaeng nakakulong kumpara sa mga lalaking nasa bilangguan, ngunit mas mabigat ang kalungkutan, takot, at pagdurusang nararanasan nila, lalo na kung may mga anak silang naiwan.
Isa sa mga tinatawag nating mga Katolikong seven corporal works of mercy ay ang pagbisita sa mga bilanggo. Batay ito sa turo ni Hesus sa Mateo 25:35-46 kung saan sinabi Niyang binibisita natin Siya kapag binibigyang-panahon natin ang mga kapatid nating pinagkaitan ng kalayaan. Ito ay nagmumula rin sa ating paniniwalang ang mga nasa bilangguan ay mga taong katulad natin, mga taong may dignidad dahil nilikha silang kawangis ng Diyos.
Ngunit hindi sapat ang pagbisita sa mga bilanggo. Ang kailangan nila ay makataong pagtrato at mabilis na pagkamit ng katarungan sa pamamagitan ng mabilis na pagdinig sa kanilang mga kaso. Ang kailangan din ng mga inang nasa bilangguan ay pagkakataong maipadama nila ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak. Hindi rin ba kayo nagtataka kung bakit mga mahihirap ang nagtitiis sa mga kulungan gayong ang mga mayayamang mas matindi pa nga ang kasalanang ginawa ay nakalalaya pa?
Mga Kapanalig, panahon nang mag-isip tayo ng ibang paraan upang ituwid ang pagkakamali ng mga inang nakabilanggo—kung mapatunayan ngang may pagkakasala sila—nang hindi sila inaalisan ng pagkakataong maging magulang sa kanilang mga anak.