1,753 total views
Nilinaw ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na ang rutang gagamitin para sa ‘Walk of Faith’ ay katulad ng sinusunod na ruta sa mga nakalipas na Traslacion ng Mahal na Poong Nazareno.
Ayon kay Quiapo Church parochial vicar Fr. Earl Allyson Valdez, susundin sa isasagawang Lakad Pananampalataya sa January 8 ang rutang dinaraan ng Traslacion, ngunit ang kaibahan lamang nito ay hindi isasama ang imahen ng Poong Nazareno at hindi rin ito sa mismong araw ng kapistahan sa January 9 gagawin.
Paliwanag ng pari na maliban sa pag-iingat sa banta ng coronavirus disease, ito ang naisip ng pamunuan upang mapanatili ang payapang pagdaraos ng Kapistahan ng Poong Nazareno gayundin upang higit na mapagtuunan ng mga deboto ang pananalangin.
“Different date and the focus is on the devotion, not the image dahil wala ‘yung imahen ng Poong Nazareno. We are expecting na marami pa ring deboto ang sasama sa Walk of Faith, lalong lalo na ‘yung may kagustuhan talagang magprusisyon para sa ating Poon,” pahayag ni Fr. Valdez sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi rin ni Fr. Valdez na isasagawa sa Lakad Pananampalataya ang tradisyunal na pagdungaw ng imahen ng Nuestra Señora del Monte Carmelo ng Minor Basilica of San Sebastian, gayundin ang ‘pagsungaw’ ng imahen ng Nuestra Señora de la Soledad de Camba ng Nuestra Señora de la Soledad Parish sa Binondo, Manila.
“Bahagi na ng tradisyon, bahagi na ng kasaysayan ‘yung ating dungaw. ‘Yung pagsungaw naman ay lalabas naman ‘yung imahe ng Nuestra Señora de la Soledad. So, hindi naman siya lalabas. Hindi naman siya dadaan talaga sa simbahan, kun’di ilalabas ‘yung imahen sa mismong ruta,” ayon kay Fr. Valdez.
Bago ang Walk of Faith, isasagawa muna ang Banal na Misa ganap na alas-12 ng hatinggabi ng January 8 sa Quirino Grandstand sa pangunguna ng rektor at kura paroko ng Quiapo Church Fr. Jun Sescon.
Pagkatapos ng Misa ay sisimulan na ang paglalakad mula Quirino Grandstand at babagtasin ang mga rutang dinaraanan ng Traslacion patungong Quiapo Church.
Ito na ang ikatlong taon na muling ipagpapaliban ang tradisyunal na Traslacion ng Poong Hesus Nazareno dahil pa rin sa patuloy na banta ng COVID-19.