1,152 total views
Tiniyak ni Balanga Bishop Ruperto Santos na mananatili at paiigtingin ng simbahan ang pagsuporta sa mga migranteng naglalakbay at nagha-hanapbuhay sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ito ang sinabi ng Obispo kaugnay sa pagtatatag ng Diocesan Migrants’ Ministry sa Diyosesis ng Balanga na dinaluhan ni Vatican Migrants’ and Refugees Section undersecretary Fr. Fabio Baggio, CS.
Ito’y upang higit na mapagtuunan at pahalagahan ang pagsasakripisyo ng Overseas Filipino Workers para mabigyan nang magandang buhay ang mga naiwang pamilya sa bansa.
“Alam natin na ang puso ng ating Santo Papa [Francisco] ay puso na malapit sa’ting mga migrants and refugees. Pusong nagmamahal, pusong naglilingkod, at pusong nagmamalasakit para sa kanila… Tulad ng sinabi ng Santo Papa, hindi dapat natin pabayaan ang mga migrante at sa halip, dapat natin silang alagaan at ingatan.” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop Santos na mahalagang mapagtuunan ang karapatan ng mga migrante, OFW, maging ang mga refugees upang mapangalagaan sa banta ng diskriminasyon, pang-aabuso at human trafficking.
Nangako naman ang Obispo na gagampanan nang mabuti ng simbahan ang tungkulin upang magsilbing gabay at kaagapay ng mga migrante sa pagsisikap na muling makabangon mula sa anumang pinagdaraanan.
“Para sa ating mga migrants and refugees, especially sa atin ding mga seafarers ay makakaasa kayo na kung saan ang simbahan ay kasama, kapiling at katuwang ninyo. Kami ang inyong kamay at kasangkapan upang sa ganon ay maitaguyod at maitayo namin kayo. At gagawin lahat ng simbahan para sa inyo sapagkat mahal na mahal at mahalaga kayo sa simbahan.” saad ni Bishop Santos.
Sa datos ng United Nations Refugee Agency nasa 82 milyong indibidwal ang napilitang lumikas sa kani-kanilang bansa dahil sa kagutuman, kahirapan at karahasang naranasan.
Nauna nang nanawagan sa mamamayan ang Simbahang Katolika na maging pamilya at taos-pusong tanggapin ang mga migrants at refugee na nangangailangan ng tulong at gabay upang muling makapagsimula ng panibagong buhay.