1,243 total views
Tinutulan ng The Passenger Forum (TPF) ang planong privatization ng EDSA Carousel Bus System.
Ayon kay TPF Convenor Primo Morillo, ang pagtutol ay bunsod ng pangambang itaas ng pribadong mamamahala sa EDSA Carousel sa 70-pesos ang pasahe.
Nangangamba rin ang grupo na malalaking mall operators ang makabili ng bus system na papabor sa kanilang mga negosyo.
“So hindi po kami kampante kapagka mall operators ang nakakuha ng ganitong klase ng operasyon kasi ang nasa isip nila ay papaano i-embudo ang mga tao papunta doon sa kanilang mga malls,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Morillo.
Nanawagan naman si Ira Cruz, Transport Planner ng Move as one Coalition (MAOC) at Atty. Ariel Inton, Pangulo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LFCSP) sa pamahalaan na masusing pag-aaralan ang hakbang.
Iginiit ng transport groups na maisulong ang kapakanan at interes ng mga commuters sa halip na interes ng mayayamang negosyante.
“Ang amin pong stand diyan ay pag-aralan pong mabuti ng DOTr yang balak na pag-pribado ng EDSA Carousel sa kasalukuyan kasi ang mga buses na kasama diyan sa biyahe ng EDSA Carousel ay mga private buses, so ibig sabihin yung pag-privatize niyan you just change who are in private operators that will operate the EDSA Carousel,” paliwanag ni Inton sa Radio Veritas.
Nais naman ni Cruz na, “We look forward to DOTr sharing specifics of the planned privatization; In particular, the roles and responsibilities between the private companies and the government, and how this will translate to better services for the commuting public.”
Batay sa datos ng DOTr, aabot sa mahigit 390-libong mga commuters ang gumagamit ng EDSA Carousel araw-araw
Una na ring nananawagan ang Living Laudato Si Philippines sa pamahalaan na pairalin ang katarungan panlipunan upang tugunan ang mga suliranin ng transport sector.