284 total views
Nanawagan ang Non-Government Organization na Defend Zambales sa Amerika at China na irespeto ang Pilipinas sa usapin ng pangangalaga sa West Philippine Sea.
Ayon kay Angelito Jaban – Coordinator ng grupo, labis na naiipit ang bansa sa girian ng dalawang malalaking puwersa at tiyak na wala itong kakayahan na labanan ang US at China.
“Ang nangyayaring awayan, ay awayan ng dalawang super powers ng malalaking bansa, so sana irespect yung totoong soberanya yung right to self determination ng Pilipinas, irespect nila pareho, pabayaan ang Pilipinas na magpasya sa kanyang sarili,” pahayag ni Jaban sa Radyo Veritas.
Pakiusap pa nito sa dalawang bansa na igalang ang karapatan ng Pilipinas na pangalagaan ang malawak na marine biodiversity sa Panatag Shoal o Scarborough Shoal.
Habang nasa Lima,Peru ang pangulong Rodrigo Duterte para sa Asia-Pacific Economic Cooperation Summit, inihayag ng pangulo na plano nitong maglabas ng Executive Order na magdedeklara sa lagoon na nasa loob ng 150 km2 Panatag Shoal o Sacarborough Shoal bilang Marine Sanctuary.
Kapag naipatupad ito, hindi na maaaring makapangisda ang mga Filipino at ang mga Chinese sa isla at sa malalalim na bahagi na lamang ng karagatan maaaring manghuli ng isda.
Dahil dito, iginiit ni Jaban, na dapat pag-aralan ng pamahalaan at timbangin ang magiging epekto ng deklarasyon ng Panatag Shoal bilang Marine Sanctuary sa mga mangingisda dito.
“Magandang mapag-isipan para saan, para kanino ba itong sanctuary na ito, at ano ba ang mga polisiya o batas na nasa likod nito, at saan patutungo ito?” dagdag ni Jaban.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na positibo ang tugon ng China sa plano ni President Duterte na pagpapaigting ng pangangalaga sa karagatan at sa buhay na naririto.
Una nang binigyang diin ni Pope Francis sa laudato Si ang kahalagahan ng pagtutulong tulong ng bawat bansa upang mapangalagaan ang kalikasan laban sa unti-unting pagkasira nito.