528 total views
Solemnity of the Epiphany of the Lord & Pro Nigritis Sunday
Is 60:1-6 Eph 3:2-3 Mt 1:1-12
Isinilang na ang bata. Ang ina niya ay si Maria at si Jose ang tumayo na tatay niya. Siya ay naging tao dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang pangalan niya ay Jesus sapagkat siya ay magliligtas. Sino ang ililigtas niya? Para kanino siya dumating? Ito ang sinasagot ng ating kapistahan ngayon – ang kapistahan ng pagpapakita ng Panginoon, ang kapistahan ng Epifania.
Noon, kinaugaliang tinatawag itong Feast of the Three Kings, pero ito ay hindi gaanong angkop. Ang dumalaw kay Jesus ay hindi mga hari kundi mga pantas – mga mag-aaral ng mga bituin na noon ay tinatawag na mga Mago kung saan nanggaling sa ating salitang magi at magic. Hindi naman sinasabi na sila ay tatlo pero alam natin na may tatlong regalo silang dala. Maaari sila’y dalawa o lima ngunit may tatlong regalo. Ang pangalan na ibinigay sa kanila – si Melchor, Gaspar at Baltazar – ay hindi naman nakasulat sa Bibliya.
It came from later traditions. Alam natin na hindi sila mga Hudyo. Galing sila sa Silangan, sa labas ng teritoryo ng mga Hudyo. Hindi nga nila alam ang Bibliya. Dahil sa kanilang pag-aaral ng mga bituin nalaman nila na may isang espesyal na pangyayari para sa mga Hudyo. Sinundan nila ang bagong bituin na kanilang nakita at sa pamamagitan nito natagpuan nila ang batang isinilang na hari ng mga Hudyo. Nagpakita sa kanila ang hari sa anyo ng isang sanggol at nakilala nila ito. Ang mga pantas ay kumakatawan sa mga hindi Hudyo – mga gentil. Kaya para kanino ang batang isinilang? Para sa lahat ng mga tao, hindi lang sa mga Hudyo. Walang dayuhan sa Diyos.
Sa ating ikalawang pagbasa sinabi ni Pablo na ipinagkatiwala sa kanya ang tungkulin na ipahayag ang lihim na panukala. Matagal na ito pero nakatago lamang. Ngayon ipinapahayag na ang lihim na ito. Ano ang lihim? Na ngayon ang Mabuting Balita ay para na sa lahat, hindi lang para sa mga Hudyo. Ang bendisyon ng Diyos na ipinakita kay Abraham, kay Moises, kay David, ay para pala sa lahat.
Tayong lahat ay bumubuo ng isang katawan at kahati sa mga pangako ng Diyos dahil kay Kristo Jesus. Ang pangalan ng bata ay Jesus, ang manliligtas ng lahat ng tao. Si Jesus ay para sa lahat. Hindi ba ito ay magandang balita lalo na sa mga tao na akala nila hindi sila kasama dahil sa iba ang kulay ng kanilang balat, dahil sa iba ang kanilang ugali o pananalita, dahil sa nakatira sila sa malalayong pook?
Kaya nga, fast forward, bago si Jesus umakyat sa langit, ang huling habilin niya sa mga alagad ay humayo sila sa buong mundo at gawing alagad niya ang lahat ng tao, binyagan sila at turuan sila ng lahat ng mga katuruan niya. Kaya nga ngayong Linggo sa buong mundo mayroon tayong second collection na ipadadala natin sa simbahan sa kontinente ng Africa, isang simbahan na mahirap at kung saan ang mga tao ay may malaking pananalig sa Diyos pero hinahatak ng maraming masasamang fuerza.
Malakas ang pagkilos ng ilang mga muslim doon na sumasalakay, kinikidnap at pinapatay ang mga Kristiyano, kasama ang mga pari at madre. Doon din sa Africa marami ay nadadala ng kanilang native primitive religions. Dahil sa kanilang kahirapan marami din ay nahihila ng materialismo. Kaya tutulungan natin ngayong linggo ang simbahan sa Africa.
May dalawa pang pangyayari sa buhay ni Jesus na kaugnay sa kapistahan ngayon. Iyan ay ang pagbibinyag kay Jesus at ang unang himala niya na ginawa sa Cana ng Galilea. Sa pagbibinyag kay Jesus sa ilog Jordan pinakilala si Jesus ni Juan Bautista sa mga Hudyo na siya ang tinutukoy niya na darating na itinalaga ng Diyos para sa ating kaligtasan. Doon naman sa Cana ng Galilea nakita ng mga alagad ni Jesus ang kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng himala ng tubig na naging alak.
Ito ay bahagi ng pagpapakita ni Jesus kung sino siya. Sa pagdalaw ng mga pantas nakita si Jesus ng lahat ng mga bansa, sa pagbibinyag kay Jesus sa ilog Jordan nakita siya ng mga Hudyo, at sa himala ni Jesus sa Cana nakita ng mga alagad ang kanyang kaluwalhatian.
Ang anak ng Diyos ay naging tao upang ipahayag niya ang kanyang sarili. Siya ay nagpapakilala. Hindi siya naglilihim. Matatagpuan siya – pero matatagpuan lamang siya ng mga taong naghahanap sa kanya. Kaya natagpuan siya ng mga pantas. Ang ginamit nila ay ang kanilang kaalaman, ang kanilang science para makita siya. Mag-aaral sila ng mga bituin. Ang kaalaman nila sa bituin ang ginamit ng Diyos upang dalhin sila kay Jesus. Pero hindi nagtapos sa kaalaman lamang. Umalis sila, lumakbay sila. Malayo at matagal ang paglalakbay nila. Maaring galing pa sila sa Africa o sa Saudi Arabia. Maaring naglakbay sila ng dalawang taon sa disyerto para kilalanin at sambahin ang hari ng mga Hudyo.
Si Herodes at ang mga mag-aaral ng Bibliya sa Jerusalem ay hindi nakatagpo sa bata kasi hindi naman sila interesado na makita ito, o kung gusto man makita, ay patayin ito dahil sa takot nilang magiging hadlang siya sa kanila. Hindi sila naghahanap ng kaligtasan. Kontento na sila sa takbo ng buhay nila. Ayaw na nilang magbago. Alam nila kung nasaan ang bata – doon sa Bethlehem. Nakalagay na ito sa Banal na Kasulatan: “Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda…. Sa iyo lilitaw ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.” At ang Bethlehem ay hindi naman gaano kalayo sa Jerusalem – mga sampung kilometro lamang. Isang oras na lakad lang iyan. Alam nila pero hindi sila umalis sa kinaroroon nila kaya hindi niya natagpuan ang manliligtas.
Kaya inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na hanapin ang kaligtasan at ito ay matatagpuan natin. Hindi hahayaan ng Diyos na maligaw o malinlang o masawi ang naghahanap sa kanya. Pero kapag nakita natin siya dapat handa tayong kilalanin siya. Ang pagkilala ng mga pantas sa bata ay pinakita nila sa mga regalo sa dala nila. Siya ay hari, kaya binigyan nila siya ng ginto. Siya ay Diyos kaya nag-alay sila ng kamanyang na ginagamit sa pagsamba. Siya ay magdurusa para sa atin, kaya may mira silang dala. Ang mira ay ginagamit para pahupain ang sakit sa katawan.
Natagpuan na ba natin ang inaantay nating darating? Natagpuan ba natin si Jesus ngayong pasko? Kung hinahanap natin siya at kumilos tayo upang matagpuan natin siya, maaring na-encounter natin siya. Ano ang binibigay natin sa kanya bilang regalo? Ano ang Balik-Handog natin sa kanya? Ang balik handog din natin ay ang pagkilala natin kung sino ang Diyos sa buhay natin – na siya ang may-ari ng lahat at tayo ay mga katiwala lamang niya. Kaya nag-aalay tayo sa kanya ng panahon para magdasal at sumamba, ng serbisyo at ng pera para sa pangangailangan ng simbahan at ng kapwa.
Dumating na ang kaligtasan. Siya ay si Jesus. Siya ay para sa lahat. Tanggapin natin siya. Mag-alay tayo sa kanya.