1,146 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Indigenous Peoples ang publiko na higit pang kilalanin ang mga katutubo sa bansa.
Ayon kay Tony Abuso, executive secretary ng komisyon na mahalagang magkaroon ng sapat na kaalaman ang publiko sa mga tradisyon, kultura at pagkakakilanlan ng bawat katutubong komunidad sa bansa upang matulungang mapangalagaan ang karapatan laban sa mga nang-uusig.
“Kailangan talagang ang mamamayang Pilipino hindi lang ang gobyerno, kahit sa mga non-government organization, sa civil societies, kailangan talagang magkaroon ng effort na talagang kilalanin ‘yung mga kapatid natin,” pahayag ni Abuso sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ni Abuso na ang mamamayan ay hindi lamang dapat umasa sa mga lumalabas sa social media, kun’di dapat magkaroon din ng malalim na pagsasaliksik para lubos na makilala ang mga katutubo.
Hinikayat naman ng opisyal ang mga katutubong komunidad na matapang na ipahayag ang kanilang mga boses upang mas magtiwala ang publiko at mapaigting pa ang pangangalaga sa kanilang karapatan.
“Kailangan din talaga na magkaroon ng boses. Mas maganda kasi na mismo ang mga kapatid nating katutubo ang magpapakilala rin sa kanilang sarili, hindi lang ‘yung mga suportang grupo,” ayon kay Abuso.
Nangako naman ang CBCP-ECIP na patuloy na susuportahan at tutulungan ang mga tunay na katiwala ng sangnilikha sa panawagang pangalagaan ang mga lupaing ninuno na bahagi ng kalikasan laban sa pagpasok ng mga mapanirang paraan ng pag-unlad.
Batay sa tala ng National Commission on Indigenous Peoples, aabot sa mahigit 11-milyon ang kabuuang populasyon ng mga katutubo sa Pilipinas.