1,362 total views
Inihayag ni Malolos Bishop Dennis Villarojo na ito ang patuloy na hamon ng namayapang si Pope Emeritus Benedict XVI sa bawat isa.
Sa isinagawang Requiem Mass ng Diocese of Malolos para sa yumaong dating Santo Papa ay binalikan ni Bishop Villarojo ang episcopal motto ni Pope Benedict XVI na “Cooperatores Veritatis” o Cooperators of the Truth na panawagan sa bawat isa na maging katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng katotohanan.
“Si Papa Benedicto ay mayroong motto sa kanyang pagka-pari hanggang sa kanyang pagiging Santo Papa “Cooperatores in Veritate” – Collaborators in the Truth, hindi sinasabing owners of the truth, masters of the truth hindi niya sinasabi yan, collaborator lang – katuwang at yun naman talaga ang nararapat na magiging pagturing natin sa katotohanan.” pagninilay ni Bishop Villarojo.
Ayon sa Obispo, ang lahat ay tinatawagan upang maging katuwang ng katotohanan na gabay ng bawat isa sa kung ano ang tama at mali gayundin ang mabuti at masama.
Ipinaliwanag ni Bishop Villarojo na ang katotohanan ay hindi maaaring maging pag-aari ng isang tao.
“Tayo ay katuwang lang ng katotohanan, ang katotohanan ang magsilbing hukom sa atin kung tayo ay tama ba o mali, kung tayo ba ang gumagawa ng mabuti o gumagawa ng masama, we are judge by the truth, we do not own the truth and the truth sabi nga ng ating Panginoon shall set us free, hindi ang katotohanan ang nagpapabusabos ng tao, ang katotohanan ang nagsisilbing gabay upang tayo ay maging malaya at mabuti, banal sa harap ng Diyos.” Dagdag pa ni Bishop Villarojo.
Sinabi ng Obispo na mananatiling buhay ang ideya at mga naiakda ni Pope Benedict na pawang nagsusulong sa kahalagahan ng katotohanan.
Sa halos siyam na taong pagsisilbi bilang pinunong pastol ni Pope Benedict XVI mula ng maihalal noong April 19, 2005 ay tatlong encyclical ang nailathala nito na “Deus Caritas Est noong December 25, 2005; ang Spe Salvi noong November 30, 2007; at ang Caritas in Veritate noong June 29, 2009 bago siya nagbitiw sa kanyang tungkulin noong February 28, 2013.