2,577 total views
Inihayag ng opisyal ng Vatican na isang buhay na saksi ng pananampalataya at pag-ibig ng Diyos ang bawat tagumpay na tinatamasa sa pananalig sa Panginoon.
Ito ang mensahe ni Cebuano priest Msgr. Jan Thomas Limchua, opisyal ng Section for the Relations with States ng Vatican, sa unang araw ng misa nobenaryo ng Sto. Niño sa Basilica Minore del Sto.Niño de Cebu.
Ayon sa pari, nawa’y matutuhan ng mananampalataya na magtiwala sa batang Hesus na isinilang sa mundo para sa kapakinabangan ng sangkatauhan.
Binigyang diin ni Msgr. Limchua na ang pananalig kay Hesus ang magpapatatag sa bawat isang harapin ang iba’t ibang hamon ng buhay.
“This is the time to turn to Señor Santo Niño, not only to heal us, but to give us the courage and strength to face our own battles in life and to give us his true and lasting peace.” bahagi ng pagninilay ni Msgr. Limchua.
Nitong January 5 ay nakiisa ang may 5, 000 deboto ng batang Hesus sa isinagawang Penitential Walk with Jesus bilang paghahanda sa kapistahan ng Sto. Niño.
Muling binuksan sa unang pagkakataon ang Porta Mayor ng basilica makalipas ang dalawang taong pananatiling sarado dahil sa pandemya.
Bukod dito bubuksan na rin sa publiko ang pagdiriwang ng Sinulog Festival sa Cebu kung saan magkatuwang ang lokal na pamahalaan at simbahan sa pagpapaigting ng safety protocol upang maiwasang maging super spreader ang religious gatherings.
Paalala ng mga Agustinong misyonero sa mga deboto ng Sto. Niño ang pagsunod sa mga itinakdang alituntunin at isapuso ang pagdiriwang nang may ibayong paggalang at pagpapalalim sa pananampalataya sa Panginoon.