2,384 total views
Nagpahayag ng suporta ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa isinasagawang internal cleansing ng pamahalaan sa hanay ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, vice chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Action-Justice and Peace, maituturing na isang welcome development ang hamon ni DILG Secretary Benhur Abalos sa mahigit 956-matataas na opisyal ng PNP na maghain ng courtesy resignation.
Tiwala ang Obispo na ito ay unang hakbang upang malinis ang hanay ng PNP mula sa malalim na problema ng ilegal na droga sa loob mismo ng ahensya.
Inaasahan ng Obispo na maging positibo ang resulta ng hakbang para sa ikabubuti ng bawat mamamayan partikular na ang mga biktima ng ilegal na droga at drug trafficking, gayundin ang mga mabubuting kawani ng ahensya.
“A welcome move and praying for positive result for the sake of our good, committed men & women in uniform, the victims and their families of drug trafficking, and the common good,” mensahe ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Ang hamon ni Abalos sa mga opisyal ng PNP ay bahagi ng planong internal cleansing sa ahensya kung saan isang komite na may limang miyembro ang binuo para mangasiwa sa pagsusuri at mag-iimbestiga sa mga record ng mga coronel at general na magsusumite ng kanilang courtesy resignation.
Nilinaw naman ng kahilim na habang isinasagawa ang imbestigasyon ay mananatili pa rin sa kanilang posisyon ang mga opisyal na magpapasa ng kanilang courtesy resignation hanggang sa ika-31 ng enero 2023.
Samantala, mismong si PNP Chief Rodolfo Azurin ang naunang tumugon sa hamon na maghain ng courtesy resignation.
Sa datos na ibinahagi ni DILG Secretary Abalos, sa loob ng halos anim na buwan ng kasalukuyang administrasyong Marcos ay umaabot na sa humigit kumulang 10-bilyong pisong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska habang nasa 30,000 naman ang naaresto mula sa isinagawang 24,000 police operation sa buong bansa.