3,136 total views
Pumanaw na sa edad na 92-taong gulang ang dating Obispo ng Diocese of Daet na si Bishop Emeritus Benjamin Almoneda.
Ayon sa anunsyo ng Diyosesis ng Daet pumanaw ang dating Obispo noong ika-6 ng Enero, 2023 kasabay ng kanyang ika-33 anibersaryo ng episcopal ordination.
Bagamat inaasahan pa ang pagbabahagi ng diyosesis ng iba pang detalye kaugnay sa pagpanaw ni Bishop Almoneda ay nanawagan ang Diyosesis ng Daet ng sama-samang panalangin para sa ikapapayapa ng kaluluwa ng dating Obispo.
“With deep sorrow we inform you that the Bishop Emeritus of Daet, Benjamin J. Almoneda D.D., passed away tonight. Today is his 33rd Episcopal Anniversary. Further information will be provided as soon as possible. We unite our prayers for his soul.” Ang bahagi ng anunsyo ng Diyosesis ng Daet.
Ipinanganak noong April 11, 1930, naordinahang Pari si Bishop Almoneda sa Archdiocese of Caceres noong March 22, 1958 kung saan siya nagsilbi bilang spiritual director, rector, at parish priest ng iba’t ibang institusyon ng Simbahan bago naitalaga bilang rector ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma noong 1980’s.
December 19, 1989 ng maitalaga si Bishop Almoneda bilang Auxiliary Bishop of Daet at naordinahan bilang Obispo ni St. Pope John Paul II noong January 6, 1990.
Makalipas naman ang halos isang taon bilang Auxiliary Bishop ay tuluyang itinalaga si Bishop Almoneda upang magsilbing pinunong pastol ng Diyosesis ng Daet noong June 7, 1991 hanggang sa tanggapin ng dating Santo Papa Pope Benedict XVI ang kanyang pagbibitiw sa tungkulin upang magretiro noong April 4, 2007.