198 total views
Ito ang hamon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity matapos mangakong muli si Labor Secretary Silvestre Bello III na maaring makamit ng pamahalaan ang zero endo at zero illegal contractualization sa bansa bago matapos ang taong 2017.
Ayon kay Bishop Pabillo, dapat ay nakikita at nararamdaman na ngayon pa lamang ng mga manggagawa ang ginagawang aksiyon ng pamahalaan ngunit malabo parin ang pangako ni Bello dahil wala pa ring malinaw na istratehiya na inilalatag ang DOLE o Department of Labor and Employment upang unti – unting matigil ang end of contractualization sa bansa.
Nanawagan rin si Bishop Pabillo sa DOLE na makatutulong kung isasama nito sa mga pagpa – plano ang ilang workers groups na dumudulog sa kanilang ahensiya dahil mas alam ng mga ito ang makatutulong sa kanilang problema.
“Yung mga pangako sana ay ipakita nila kung ano ang gagawin para matupad ang mga pangako. Mahirap kasing maniwala sa mga pangako kasi kahit sinuman puwedeng mangako. Wala naman silang strategy. Sana itong workers group ay maging bahagi ng strategy nila kasi sila ang nadadamay sa mga ganitong pangyayari kaya dapat yung mga manggagawa ay dapat isaalang – alang at maging kasama sa pag – e- strategize kung paano magagawa ito,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid batay sa huling ulat ng Philippine Association of Legitimate Service Contractors, Inc. o (PALSCON), nasa 850,000 na ang mga manggagawang kontraktwal sa buong bansa nitong 2016.
Nauna na ring binaggit ng kanyang Kabanalan Francisco sa United Nations na dapat ipadama ng mga employers ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang manggagawa sa pagbibigay ng sapat na pasahod at benepisyo.