1,232 total views
Paigtingin ang paglilingkod sa kapwa katulad ng naging paglilingkod ng Panginoong Hesus Kristo sa sangkatauhan.
Ito ang paghihimok sa mananampalataya ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos sa paggunita ng Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Nawa ayon sa Obispo ay gawing halimbawa at inspirasyon ng bawat mananampalataya si Hesus upang makatulong sa kapwa higit na para sa mga pinakanangangailangan sa lipunan.
“Tayo na ang magmalasakit, ang magpakasakit at hindi tayo ang mananakit sa iba. Tayo na ang maglilingkod, at hindi tayo ang paglilingkuran. Tayo na ang magbibigay, at hindi ang makakabigat o pahirap sa iba. At ganyan ang pagiging tunay na deboto,” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Bishop Santos.
Ang mensahe at panalangin ni Bishop Santos para sa kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ay para rin sa ikabubuti ng kalagayan ng ekonomiya.
Sa pagsisimula ng 2023 ay naitala ang muling pagtaas ng inflation rate na umabot sa 8.1% na higit ng pinababa ang halaga ng kita ng mga manggagawa.
“Higit natin nakikita ang atin mga sarili sa katauhan ng Señor Nazareno. Siya ay nagpasakit, naglingkod at nagligtas. Tayo bilang mga Pilipino nararapat isabuhay ang ginawa ng mahal na Señor Nazareno,” ayon pa ng mensaheng ipinadala ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Kaugnay sa paglilingkod sa kapwa ay patuloy din ang Caritas Manila sa pangunguna sa mga inisyatibo o programang magpapabuti sa kalagayan ng mahihirap maging ng mga nasasalanta ng kalamidad.
Kamakailan lang ay nagpadala ang Social Arm ng Archdiocese of Manila ng 200-libong piso sa Arkidiyosesis ng Ozamis matapos bahain ang Misamis Occidental ng dahil sa malalakas na pag-ulan noong huling linggo ng Disyembre 2022.