197 total views
Hinimok ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity ang taumbayan na makilahok sa Black Friday protest laban sa pagpapalibing sa Libingan ng mga Bayani kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, nakikiisa ang Simbahang Katolika sa panawagan ng taumbayan lalo na ang mga biktima ng diktaduryang Marcos.
Iginiit ni Bishop Pabillo na kalakip ng kapatawaran ay ang pagkakamit ng katarungan ay dapat ring harapin ng pamilyang Marcos ang kanilang pagnanakaw sa bayan noon at magpahanggang ngayon.
“Nanawagan po tayo sa ating mga kapanalig na makiisa sa kilos protesta ngayong Biyernes upang ipahayag ang ating damdamin, ang hindi natin pagsang – ayon sa paglilibing sa diktador na si Marcos doon sa Libingan ng mga Bayani. Sana makiisa po tayo upang ipakita na dapat may pananagutan, mananagot dapat sila sa kanilang ginawa. At hanggang sa ngayon wala pa silang pinanagutan at basta na lang binalewala ang ginawa nila,” panawagan ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Pinapurihan rin ni Bishop Pabillo ang inisyatibo ng ilang mga kabataan na akala ng ilan ay binabalewala lamang ang mga isyu ng bayan ngunit nakikisangkot upang hindi na muling maulit pa ang madilim na kasaysayan ng batas militar.
“Nakakatuwa na iyang mga kabataan na akala ng marami ay balewala sa kanila itong Martial Law ay sila mismo ay sariwa sa kanilang kaisipan, kamalayan na ayaw rin nilang mangyari ulit itong ganitong madahas na pagpapalakad ng pamahalaan,” giit pa ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Nag – alay rin ng panalangin si Bishop Pabillo para sa mapayapang pagkilos ng mamamayan lalo na ngayong dumaraan muli ang bansa sa matinding krisis pulitikal at ligal.
Hiniling rin nito na makapagbukas ng kamalayan ang gaganaping Black Friday Crusade sa mga Filipino na si dating Pangulong Marcos ay hindi bayani.
“Diyos Amang mapagmahal, kami po ay nasa isa na namang sangang daan sa aming kasaysayan dito sa bansa. Kami po ay nagpapahayag ng aming mga hangarin para magkaroon ng tunay na katarungan lalong – lalo na sa mga biktima ng Martial Law. Kaya kami ay humihingi ng tulong sa protesta na ito na magkaroon ng kamalayan. Hinihiling rin po namin ang kaayusan at ang iyong tulong sa pagpapagahayag na ito. Ito ay hinihiling namin sa ngalan ni Hesukristo aming Panginoon,” panalangin ni Bishop Pabillo para sa mapayapang kilos – protesta laban sa Marcos Hero’s Burial.
Naitala ng Amnesty International ang may 70,000 tao na ikinulong, 34,000 ang biktima ng torture at 3,240 ang pinatay mula 1972 hanggang 1981 sa panahon ng martial law.
Samantala, una ng sinuportahan ng CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang kilos protesta na gaganapin bukas at inanyayahan ang mga administrator ng mga Catholic schools and universities na ipamulat sa mga estudyante ang tunay na nangyari noong dekada ‘70.
http://www.veritas846.ph/buhayin-muli-ang-diwa-ng-edsa-people-power/