809 total views
Mga Kapanalig, sinalubong natin ang taóng 2023 na pare-pareho pa rin ang mga problemang kinakaharap ng ating bayan. Mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin habang wala namang dagdag sa suweldo ng mga manggagawa. Kalbaryo pa rin sa daan ang dinaranas ng mga mananakay. At marami pa rin ang naghahanap ng dagdag na mapagkakakitaan upang matustusan ang mga pangangailangan ng pamilya.
May mga kababayan tayong nagsasabing kailangan lang maging maabilidad at madiskarte sa harap ng mga hamong ito. Sa pagluluto, huwag na lang daw gumamit ng sibuyas na ang halaga ng isang kilo ay mas mataas pa sa minimum wage. Pumunta raw sa palengke sa halip na sa mga groceries upang makatipid sa mga bibilhin. Sa pag-iwas sa matinding trapik sa umaga, gumising na lang daw nang napakaaga. Ang mga sikat na social media influencers ay pinaaalalahanan pa ang mga may trabaho na dapat silang maging masaya dahil may pagkakataon silang “pagandahin” ang kanilang buhay. At kung hindi sila masaya sa kanilang trabaho, maghanap na lang sila ng iba. Magpasalamat na lang at baguhin daw ang mindset o pananaw ngayong 2023.1
Madaling sabihin ang mga ito ng mga taong nakaaangat ang buhay, may sariling sasakyan at komportableng nakakapagtiis sa traffic, at hindi kailangang gumising nang maaga at kumayod kapalit ng maliit na suweldo pagkatapos ng isang araw. Tandaan nating wala tayo sa posisyong sabihin sa ating kapwa kung ano ang dapat nilang maramdaman sa harap ng mga pasanin nila sa araw-araw. Hindi natin alam ang kanilang pinagdaraanan sa kanilang personal na buhay. Hindi natin alam ang mga oportunidad na dumarating sa kanila; baka napipilitan lang sila sa trabaho nila ngayon dahil wala naman na silang ibang mapasukan.
Bagamat ayon sa mga survey ay mas nakararaming Pilipino ang nagsabing may bitbit silang pag-asa sa pagpasok ng bagong taon, hindi nito ibig sabihing lagi na lamang tayong maging masaya at positibo sa mga bagay na kakaharapin natin ngayong 2023. Totoong dapat tayong magpasalamat sa mga biyayang natatanggap natin sa araw-araw, ngunit hindi natin dapat balewalain ang pakiramdam ng pagkapagod at pagkalungkot sa mga nangyayari sa ating personal na buhay.
At ang mga nararanasan natin sa ating buhay ay, sa totoo lang, may malaking kaugnayan sa mga istrukturang umiiral sa ating lipunan. May kinalaman ang ating kasarian at
pinanggalingang lugar sa mga trabahong maaaring pasukan. May kinalaman ang ating edukasyon sa mga oportunidad na magbibigay sa atin ng kakayanang tustusan ang ating mga pangangailangan. May kinalaman ang ating mga kakilala at koneksyon sa mga oportunidad na darating sa atin. May kinalaman ang mga desisyon ng gobyerno sa pagkakaroon natin ng maayos na pampublikong transportasyon. May kinalaman ang mga hakbang ng pamahalaan upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain at iba pang bilihin. Sa madaling salita, hindi laging uubra ang sariling diskarte.
Isa sa mga prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan ay ang solidarity o pakikiisa. Ayon kay Pope Francis, higit ito sa pagbibigay sa mga nangangailangan. Ito ay ang pag-iisip at pagkilos para sa isang komunidad, at kaakibat nito ang pagtutuwid sa mga balangkas ng lipunang nagdudulot ng hindi pantay na oportunidad sa mga tao.2 Samakatuwid, salungat sa diwa ng solidarity ang pagdidiin na sapat na ang indibidwal na abilidad sa pagharap ng hirap ng buhay.
Mga Kapanalig, wika nga sa 1 Corinto 12:26, “Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.” Kung tunay tayong may pakialam sa ating kapwa, hindi natin isasantabi ang sakit na kanilang nararamdaman. Kung tunay tayong nakikiramay sa kanila, hindi tayo nagbubulag-bulagan sa hirap na kanilang pinagdaraanan.
Sumainyo ang katotohanan.