1,203 total views
Nagpahayag ng kagalakan ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) sa pagbasura ng korte sa kasong perjury laban sa sampung human rights defenders na kinabibilangan ng ilang kasapi ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP).
Ayon kay Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm, executive secretary ng CMSP, nagpapasalamat ang buong organisasyon sa pagdinig ng Panginoon sa kanilang panalangin na pananaig ng katarungan makaraang ibasura ng Quezon City Metropolitan Trial Court ang kasong perjury na isinampa ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon laban sa sampung human rights defenders na kinabibilangan ng mga kasapi ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP), Karapatan at Gabriela.
“We welcome that really and we are so happy na na-dismiss yung case and acquitted po yung si Sister Elenita ‘Elen’ Belardo, RGS at mga kasamahan niya mga 9 other human rights defenders… CMSP is so happy that dininig ng Diyos ang panalangin na ang katarungan ay maghahari, yun so masaya kami for the result, the outcome of the case.” Pasasalamat ni Fr. Buenafe sa Radio Veritas.
Inihayag ng Pari na siya ring Chairperson ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) na ang kaso ay pagsupil sa mga human rights defenders sa bansa na nagsusulong ng karapatang pantao.
“Ang intention kasi of the case is talagang parang demolition siya sa mga taong concern sa usaping human rights and I think aside from RMP which is a mission partner of CMSP, I thinks ang Gabriella din yung women’s alliance at saka yung Karapatan yung human rights organization din ay sila talaga ang parang kinasuhan sa Korte.” Dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Isinampa ang kasong perjury ni Esperon noong taong 2019 dahil sa alegasyong hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission ang nasabing grupo at inakusahang nagpopondo ng mga anti-government activities at nanghihikayat sa mga kabataan na sumama sa mga rebeldeng grupo.
Sa kabila nito nasasaad sa desisyon ng Quezon City Metropolitan Trial Court na nabigo ang prosekusyon na patunayan ang mga akusasyon laban sa mga respondent.
Kabilang sa napawalang sala sa nasabing kaso ay si Sister Elenita Belardo, national coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP) at ilang mga kasapi ng human rights group na Karapatan at Gabriela.
Unang tiniyak ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) ang suporta sa Rural Missionaries of the Philippines (RMP) bilang kasaping organisasyon na katuwang sa misyon ng pagkakawanggawa at pagsasabuhay sa misyon na ibahagi si Hesus sa bawat pamayanan.