3,978 total views
Hinamon ng Caritas Borongan ang bawat isa na higit na pahalagahan at pangalagaan ang inang kalikasan sa gitna ng lumalalang epekto ng climate change.
Ito ang sinabi ni Fr. James Abella, direktor ng social arm ng Diyosesis ng Borongan, Eastern Samar kaugnay sa epekto ng walang tigil na pag-uulan dala ng low pressure area at nagpalubog sa mga lugar sa Eastern Visayas.
Ayon kay Fr. Abella, hindi na dapat pang hintayin ng mga tao na madagdagan pa ang mga pinsalang nalilikha ng pagbabago ng klima ng daigdig upang hindi na ito humantong sa mas matinding pagsisisi.
“Nakikita naman natin ngayon na paparami na ‘yung mga bagyo, at nakikita din natin ‘yung epekto nito na papalakas. Kaya siguro, stop na natin, alam naman natin kung ano ‘yung tamang gawin sa kalikasan. Dapat nating mahalin, dapat nating protektahan, dapat natin talagang alagaan. Kasi sa mga panahong ito, kalikasan din ‘yung kakampi natin.” pahayag ni Fr. Abella sa panayam ng Radio Veritas
Nabanggit ng pari na isa sa mga suliranin sa kalikasan sa Eastern Samar ang walang pakundangang pagpuputol ng mga punongkahoy sa kagubatan na dahilan ng nangyayaring malawakang pagbaha sa lalawigan.
Iginiit ni Fr. Abella na dahil sa kapabayaan at labis na pang-aabuso ng mga tao, ang kalikasan na dapat nangangalaga sa sangkatauhan ang siya ring nagiging sanhi ng kapahamakan sa buhay ng bawat isa.
Kaya naman panawagan nito sa publiko ang sama-samang pagtutulungan upang mapanumbalik ang dating sigla at ganda ng nag-iisang tahanan nang sa gayon ay magampanan din ng mga tao ang pagiging mabubuting katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
“This is a challenge, a reminder, and siguro panawagan na rin sa lahat ng mga kapanalig natin na sana magtulungan tayo. Stop na natin ‘yung mga bagay na hindi makakatulong sa atin lalo na ‘yung pagputol ng mga puno.” giit ni Fr. Abella.
Sa mensahe ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si’, iginiit ng Santo Papa na ang kalikasan ay biyayang ipinagkaloob ng Diyos hindi upang abusuhin sa ngalan ng ating mga pansariling kagustuhan, kun’di upang parangalan din ang Panginoon.