15,638 total views
Inihayag ni Senator Nancy Binay na may pagkukulang ang pamahalaan kaya’t nagkakaroon ng suliranin sa agricultural products bawat taon.
Ito ang binigyang-diin ng mambabatas sa pagdinig sa senado nitong January 16 sa labis na pagtaas ng presyo ng sibuyas sa mga pamilihan sa bansa.
Ayon kay Binay paulit-ulit ang nangyayaring suliraning kinakaharap ng onion farmers sa bansa subalit walang naging konkretong tugon ang pamahalaan upang mabigyang solusyon ang problema.
“It seems like the story is repeating itself. The bottom line is, we don’t have a plan when it comes to producing our agricultural products,” ayon kay Binay.
Bukod sa sibuyas tinukoy din ng mambabatas ang suliranin sa karne at bigas na kadalasang inaangkat ng bansa sa kabila ng mariing pagtutol ng local producers.
Iginiit ni Binay na dapat magkaroon ng karagdagang cold – storage facilities ang Pilipinas upang matulungan ang sektor ng agrikultura sa post-harvest at maiwasang masira ang ani ng mga magsasaka.
Sa isang panayam sinabi ni Pangulong Ferdinad Marcos Jr. na kasalukuyang namumuno sa Department of Agriculture na hindi sapat ang suplay ng sibuyas sa bansa kaya’t kinakailangang mag-angkat upang mapunan ang kakulangan sa mga pamilihan.
Nangangamba ang ilang mambabatas na magkaroon ng negatibong epekto sa mga magsasaka ang pag-angkat ng 21, 060 metric tons ng pula at dilaw na sibuyas lalo’t nalalapit na ang harvest season sa bansa.
Umaasa si Pangulong Marcos Jr. na sa pag-angkat ng sibuyas ay matulungang mapababa ang inflation rate ng bansa na ayon sa Philippine Statistics Authority ay umabot sa 8.1 percent dahil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga gulay at prutas.
Umapela naman ang Caritas Philippines sa pamahalaan na tulungan ang onion farmers at ang kabuuang sektor ng agrikultura na mapababa ang cost of production upang maiwasan ang pagkalugi.