1,633 total views
Itinatayo ngayon sa Arkidiyosesis ng Lipa ang tanggapan na tutugon sa pangangailangan ng mamamayan ng lalawigan ng Batangas sa panahon ng kalamidad.
Ito ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission Disaster Resilience Center na dalawang taon nang planong itayo ng arkidiyosesis kasunod ng pagsabog ng Taal Volcano noong Enero 2020.
Ayon kay LASAC director Fr. Jazz Siapco, ito ang pangmatagalang pagtugon at pagtulong ng Arkidiyosesis ng Lipa sa mga higit na nangangailangan lalo na ang mga biktima ng iba’t ibang sakuna.
“Ito’y mga patuloy na pagtulong natin, hindi lang sa mga nasasalanta ng ibang kalamidad, ito’y patuloy pa rin para sa ating Malasakit para sa Batangas Response,” ayon kay Fr. Siapco.
Bahagi ng binubuong tanggapan ang warehouse para sa paglalagak at pagbabahagi ng mga food and non-food items sa Arkidiyosesis na bahagi ng Build Resilience Communities Program.
Magsisilbi ring Emergency Operations Center ang LASAC-DRC para sa mas epektibong pagbabahagi ng impormasyon sa mamamayan kapag may kalamidad.
Habang magagamit din ito bilang Training Center upang mabigyan ng pagsasanay at kaalaman ang mga Batangueño hinggil sa kahandaan at pagtugon sa iba’t ibang sakuna.
Inaasahan namang matatapos ang proyekto ng Arkidiyosesis sa loob ng anim na buwan.