1,390 total views
Ito ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David – Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang tunay na diwa ng synodality na kasalukuyang tinataguyod ng Simbahang Katolika sa pangunguna ng Santo Papa Francisco.
Ito ang pagninilay ni Bishop David sa pagsisimula ng ‘Pitong Araw na Pananalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano’ o Week of Prayer for Christian Unity 2023 noong ika-16 ng Enero, 2023.
Binigyang diin ng Obispo ang pagturing sa bawat isa bilang kapwa tao na kasamang naninirahan sa iisang tahanan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala, pananampalataya at pinagmulan.
“Ito ang diwa ng prinsipyo ng synodality na kasalukuyang tinataguyod ni Pope Francis, ang ituring ang lahat bilang kapwa, bilang kalakbay sa landas ng buhay, hindi lang kapwa Katoliko kundi bawat kapwa Kristiyano, hindi lang bawat kapwa Kristiyano kundi bawat kapwa mananampalataya, hindi lang bawat kapwa mananampalataya kundi bawat kapwa tao, at hindi lang bawat kapwa tao kundi bawat kapwa nilalang na kasamang naninirahan sa daigdig na ito na iisang tahanan nating lahat,” pagninilay ni Bishop David.
Ipinaliwanag ni Bishop David na dapat magsilbing huwaran ng bawat isa ang buong puso, isip at kaluluwa na pag-ibig ng Diyos sa bawat nilalang gaya ng kanyang sarili.
“Ibigin mo ang Diyos ng higit sa lahat ng buong puso, buong isip, buong kaluluwa, bakit? Kasi ganyan tayong inibig ng Diyos ng buong puso, buong isip at kaluluwa. Ibigin mo ang kapwa ng gaya ng sarili, bakit? Kasi inibig tayo ng Diyos gaya ng kanyang sarili, kasi hindi tayo iba sa Diyos itinuring niya rin tayong kapwa,” dagdag pa ni Bishop David.
Tema ng Week of Prayer for Christian Unity 2023 o Pitong Araw na Pananalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano na nagsimula noong ika-16 ng Enero, 2023 ang “Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti; pairalin ang katarungan.” na hango sa Isaiah 1:17.
Unang binigyang-diin ng Santo Papa Francisco na ang usapin ng kapayapaan at pagkakaisa ay dapat na gawing prayoridad maging sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala at pananampalataya ng bawat isa.