1,632 total views
Umaasa ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na maipamalas ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagiging mabuting lingkod bayan sa kabila ng tunay na intensyon nito sa muling pagsabak sa pulitika.
Inihayag ito ni Raymond Daniel Cruz, Jr.-National President ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa pag-amin ng pangulong Marcos kay World Economic Forum President Børge Brende na para sa “political survival” ng pamilya ang kanyang pagbabalik sa larangan ng pulitika.
Ayon kay Cruz, hindi nakakagulat ang pahayag ni Pangulong Marcos na self-serving ang kanyang intensyon sa pagbabalaik pulitika.
Gayunman, inaasahan ni Cruz na pagsilbihan ng mabuti ng pangulong Marcos ang mga Pilipino na nagtiwala at nagbigay sa kanya ng pagkakataon na pamunuan ang bansa.
“Ang pag-amin ni PBBM na para sa political survival ng pamilya Marcos ang kanyang pagtakbo sa politika ay hindi nakakagulat. Bagamat ito ay isang pag-amin na self-serving ang kanyang intention, hindi rin ito ang mas mahalahagang tanong. Ang tanong na dapat ngayong bigyan pansin ay “Ano na? at Saan ba?”. Ano na ang dapat gawin ng isang Pangulo na nabigyan nang pagkakataong magsilbi sa bayan. Ipakita sana niya ang tunay na katangian ng isang lingkod bayan. Saan ba niya balak dalhin ang bayan?” pahayag ni Cruz sa Radio Veritas.
Hinimok naman ni Cruz ang pangulong Marcos na ilatag ng malinaw sa taumbayan ang plano ng kanyang administrasyon.
Pinuna naman ni Cruz ang maraming entourage ng Pangulong Marcos sa kanyang pagbisita sa Davos, Switzerland na senyales ng pagiging manhid nito sa nararanasang kahirapan ng bansa.
Iginiit ni Cruz na kung ninanais ng pamilya Marcos ang political survival ay mas higit na kailangan ng survival ng Pilipino mula sa iba’t ibang uri ng pahirap.
“Meron bang maliwanag na direksyon ang kanyang pamahalaan? At ang huling tanong ay kaya ba niyang pagmalasakitan ang bayan? Ang pagdala nang mahigit 70 tao sa Davos ay senyales nang pagiging manhid sa kalagayan ng ating bansa. Kung kailangan nang pamilya nila ng “survival” sana naman ay “survival” ng bayan ang pag-isipan niya. Ano na? Saan ba? May malasakit nga ba?” dagdag pa ni Cruz.