1,794 total views
Muling nagpahayag ng pagtutol ang mamamayan ng Sibuyan Island sa Romblon laban sa operasyon ng pagmimina sa isla.
Ito ay sa ginanap na pagtitipon sa pagitan ng mga residente at Philippine Environmental Impact Statement System bilang bahagi ng aplikasyon ng Altai Philippines Mining Corporation para sa Environmental Compliance Certificate.
Ayon kay Living Laudato Si’ executive director Rodne Galicha, marapat lamang na igiit ng mga residente ng Sibuyan ang kanilang karapatan laban sa pagmimina dahil ito ay likas na yamang dapat na pakaingatan at higit na pagyabungin.
Sinabi ni Galicha na ang tao ay katiwala lamang ng Diyos upang pangalagaan ang kalikasan, kaya’t hindi nararapat na abusuhin at sirain ito para sa pansariling kapakanan.
“Ang kalikasan ng Sibuyan mula tuktok ng bundok hanggang sa kailaliman ng karagatan ay bigay ng Maykapal, at tayong lahat ay pawang mga katiwalang naatasang pangalagaan ito upang tugunan ang pangangailangan ng kasalukuyan nang hindi isinasawalang-bahala ang kapakanan ng mga susunod na salinlahi,” pahayag ni Galicha.
Kabilang sa mga ipinapanawagan ng mga pamayanang tutol sa operasyon ng Altai Mining ang magiging negatibong epekto nito sa kalikasan at buhay ng tao tulad ng pagkaubos ng kagubatan, pagguho ng lupa, polusyon sa tubig, at ang pagkakaroon ng mga malawakang pagbaha.
Iginiit naman ni Alyansa Tigil Mina national coordinator Jaybee Garganera na dapat pakinggan at igalang ng mga kinauukulan ang hinaing ng mga residente upang maisalba ang pinakaiingatang likas na yaman ng Sibuyan Islands.
“There is a strong clamor to protect the natural resources of Sibuyan, known to be the Galapagos of Asia, and the protected area, which is Mt. Guiting-guiting,” ayon kay Garganera.
Nauna nang naglabas ng joint resolution ang Sangguniang Bayan ng San Fernando, Cajidiocan, at Magdiwang sa Romblon na mariing tinututulan ang operasyon ng large-scale mining sa Sibuyan Island.
Gayundin ang panawagan sa pamahalaan lalo na kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Environment Secretary Toni Yulo-Loyzaga na suriin, ihinto, bawiin, at tanggihan ang lahat ng kasunduan, operasyon, at aplikasyon ng pagmimina sa kinasasakupan ng Sibuyan Island.