1,554 total views
Sa botong 256, isang pagtutol at tatlong abstentions ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang panukalang batas na Magna Carta on Religious Freedom Act o ang HB 6492.
Sa ilalim ng panukala, hindi dapat maging hadlang ang karapatan ng isang tao na ipahayag ang kaniyang pananampalataya maliban na lamang sa karahasan at kaligtasan ng publiko.
“It is the declared policy of the State to protect and uphold the fundamental and inalienable right of every person to freely choose and exercise one’s religion and beliefs and to act and live according to one’s conscience,” sa pahayag ng mga mambabatas.
Layunin ng panukala na maipatupad ang Section 5 ng article 3 ng 1987 Constitution na nagtatadhana na ‘walang batas na magbabawal sa pagtatag ng relihiyon o pagbabawal sa kalayaang ipahayag ang kaniyang paniniwala.
“The right of every Filipino to profess, practice, and propagate religious beliefs must always be recognized, respected, allowed, and protected,” ayon sa mga mambabatas.
Sakop din ng panukala ang pangangalaga sa 12 karapatan, kabilang na ang karapatang pumili ng relihiyon, magpalaganap ng paniniwala, pagsamba, mga organisasyon, kalayaan laban sa diskriminasyon, at tax exemption.
Ang HB 6492 ang kabilang sa mga panukala sa kamara sa ilalim ng liderato ni Speaker Martin Romualdez na naipasa sa huling pagbasa sa unang araw ng pagbabalik ng sesyon makaraan ang holiday break ng kongreso.
Sa panig ng simbahan, naninindigan ang Santo Papa Francisco na ang karapatan sa pananampalataya ay hindi dapat maging dahilan ng kaguluhan at karahasan sa halip ay paggalang sa paniniwala ng bawat indibidwal.
Kasama sa mga may akda ng panukalang batas sina Camarines Sur Reps. Luis Raymund F. Villafuerte, Jr., Miguel Luis R. Villafuerte, Tsuyoshi Anthony G. Horibata at Gabriel H. Bordado, Jr.; BICOL SARO Party List Rep. Nicolas V. Enciso VIII, CIBAC Party List Rep. Eduardo C. Villanueva, Manila Rep. Bienvenido M. Abante, Jr., Tarlac Rep. Noel N. Rivera, Maguindanao and Cotabato Rep. Bai Dimple I. Mastura, and Majority Leader Manuel Jose M. Dalipe.