3,262 total views
Mga Kapanalig, ayon sa isang assessment na sinuportahan ng United Nations, ang butas sa ozone layer ng ating planeta ay unti-unti nang lumiliit. Bunga raw ito ng pag-phase out sa mga kemikal na mapaminsala sa ozone layer.
Ang ozone layer ay ang bahagi ng ating atmosphere na pumoprotekta sa atin mula sa mapanganib na ultraviolet rays. Para itong pananggalang na humaharang sa ultraviolet rays mula sa araw. Dekada ’80 nang magbabala ang mga siyentipiko tungkol sa lumalawak na butas sa pananggalang sa ito, na batay sa mga pag-aaral ay dahil sa mga ozone-depleting substances katulad ng chlorofluorocarbons o CFC mula sa mga lumang modelo ng appliances katulad ng refrigerators at aircon. Taóng 1989 nang magkasundo ang mga bansang buuin at ipatupad ang Montreal Protocol na nag-phase out nga sa mga kemikal na sumisira sa ozone layer. Kung magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga patakarang nagbabawal sa CFC at iba pang kemikal, inaasahang pagsapit ng 2040 ay makaka-recover na ang ozone layer. Magandang balita ito, mga Kapanalig.
Ang pagpapanumbalik sa ozone layer ay isang tagumpay na bunga ng pagtutulungan ng mga bansa upang kumilos para sa ating nag-iisang tahanan. Ipinakikita nito kung ano ang kaya at kung ano ang dapat gawin ng mga bansa upang tugunan ang lumalalang krisis sa ating klima. Sa ngayon nga, ang climate change ay isa na ngang emergency na hindi dapat ipagsawalambahala, ayon nga kay Pope Francis, dahil nakapipinsala na ito sa sangkatauhan, lalo na sa mahihirap.
Nito ngang mga nakaraang linggo, nakita natin ang pinsalang iniwan ng malalakas na pag-ulan lalo na sa Visayas at Mindanao. Inaasahan naman natin ang mga pag-ulang ito dahil sa umiiral na La Niña, ngunit hindi katulad ng mga nakaraang panahon, lubhang malawak ang pinsalang iniiwan ng masamang panahon sa maraming lugar sa ating bansa. Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umakyat na sa halos 30 ang namatay mula noong ikalawa ng Enero dahil sa mga pag-ulan. Mahigit 150,000 na mga pamilya ang naapektuhan, at 20,000 sa kanila ay kinailangang lumikas sa mga
evacuation sites matapos lumubog sa baha o tuluyang masira ang kanilang mga bahay. Apektado rin ang kanilang kabuhayan.
Sa marami nating alalahanin sa buhay, marahil ay hindi na sumasagi sa ating isipan ang tungkol sa climate change o ang anumang balita tungkol sa ating kalikasan. Maliban na lang kung tayo ang naapektuhan ng matinding pagbaha o tag-init dito sa siyudad, hindi natin naiisip pang problemahin ang epekto ng nagbabagong panahon. Ang mahalaga ay may trabaho tayo, may maihahain sa ating mesa, at may tirahang matutulugan. Hindi natin makita ang ugnayan ng ating mga ginagawa sa ating kapaligiran. Hinahamon tayo ngayong baguhin ang ganitong pananaw.
Sa nakita nating magandang balita tungkol sa ozone layer at ang malungkot na balita naman tungkol sa mga kababayan nating naapektuhan ng pagbaha, tandaan nating kahit ang pinipili nating gawin, maliit man sa ating paningin, ay may ambag sa kalagayan ng ating planeta at sa kaligtasan ng ating kapwa. Ang walang patid na pagkonsumo natin, halimbawa, ay nagbubunga ng basurang nagdudulot ng polusyon sa hangin. Ang polusyon sa hangin ay nakaaapekto sa klima na nagdudulot naman ng masamang panahong pumipinsala sa mga tao sa ibang lugar. “Everything is connected,” ayon pa rin kay Pope Francis.
Mga Kapanalig, bilang mga Kristiyano, tandaan din nating lahat ng bagay sa sansinukob ay patungo sa ating Panginoon dahil “ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya,” wika nga sa Colosas 1:16-17. Lagi nating isaisip na ang bawat bagay na ginagawa natin ay may epekto sa ating kapwa at sa kalikasan.
Sumainyo ang katotohanan.