1,130 total views
Kapanalig, napakahalaga ng edukasyon. Para sa marami sa atin, ito ang susi sa kaunlaran ng ating pamilya.
Mataas ang pagpapahalaga ng pamilyang Filipino sa edukasyon. Tingnan lamang natin ang attendance rate sa ating mga paaralan – tayo ang isa sa may pinakamataas na school attendance rates sa lahat ng educational levels sa hanay ng mga bansang may GDP na kagaya sa atin. Isa tayo sa may mataas na inaasahang dami ng taon ng pag-aaral.
Kaya lamang, kahit gaano pa katagal tayong nag-aaral, may mga learning gaps pa rin ang ating mga mag-aaral. Base sa sa pagsusuri ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), kapag ikukumpara ang inaasahang dami ng taon na tayo ay nag-aaral sa kalidad ng ating edukasyon, parang kulang pa tayo ng 5.5 years. Ang learning gap na ito ay malaki, at dapat nating tugunan.
Malaki ang implikasyon ng learning gap na ito. Sa haba ng taon ng ating pag-aaral, kulang pa rin sa kalidad ang ating edukasyon. Sa tagal natin sa paaralan, kulang pa rin ang ating natutunan. Kaya nga’t hindi na kagulat-gulat ang mga resulta ng mga international assessments sa ating mga estudyante. Laging mababa ang mga scores ng ating mga mag-aaral sa mathematics, science, at reading comprehension nitong mga nakaraang taon.
Ang learning gap na ito ay nagbabantang krisis sa ating bayan. Kapanalig, ang dekalidad na edukasyon ay hindi lamang tiket ng pamilya palabas ng kahirapan. Ito rin ay pag-asa ng mas maunlad na bayan sa kalaunan. Ang dekalidad na edukasyon ay magdudulot ng productivity at economic growth sa bayan. Mas maganda at mas stable na trabaho ang mabibigay nito sa mga mamamayan. Mas mataas din ang kita nila, na nangangahulugang mas malaking ambag na buwis na magagamit ng pamahalaan para sa bayan.
Kaya lamang, sa panahon ngayon, parang mas mahirap na mag-aral. Maliban sa mahal na presyo ng matrikula at mga gastusin sa paaralan, ang dami na ring nagbago. Mas digital na ngayon, at hirap dito humabol hindi lamang ang mga bata, kundi ang mga paaralan mismo at mga magulang. Kung walang tulong ng pamahalaan, hindi kakayanin ng mga pamilya at paaralan ang pagsasaayos ng edukasyon ng ating mga kabataan. Kailangan ng pamahalaan na mas aktibong mamuhunan para sa kasulungan ng edukasyon sa bayan. Ngayong napataas na natin ang access sa paaralan, panahon naman na tutukan natin ang kalidad ng ating edukasyon.
Kapanalig, ang pagtutok sa kalidad ng edukasyon ay para sa kabutihan nating lahat. Ang masinop at maagap na pagtugon sa isyung ito ay pagtitiyak ng magandang kinabukasan hindi lamang ng ating mag-aaral, kundi ng buong bayan. Sabi ni Pope John Paul II sa kanyang Address to Catholic Educators: “Society is called to provide for and support with public funding those types of schools that correspond to the deepest aspirations of its citizens. The role of the modern State is to respond to these expectations within the limits of the common good.”
Sumainyo ang Katotohanan.