1,917 total views
Inihayag ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na tinatawagan ang bawat isa na maging misyonero sa kapwa.
Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco ng CBCP Episcopal Commission on Mutual Relations, hindi ekslusibo sa mga pari, madre at relihiyoso ang pagmimisyon sapagkat hindi lamang ito nangangahulugan ng pagdadasal kundi maging misyonero sa natatanging paraan.
Ipinaliwanag ng opisyal na bawat ginagamapanan at ginagalawan ng mamamayan ay maaring makapagbahagi ng misyon sa sariling pamamaraan.
“It’s the nature for mission to share the good news kaya lahat kayo mga layko ay inaanyayahang makiisa sa misyon ng ating simbahan ayon sa ating bokasyon, propesyonal ka, nagtatrabaho ka sa kompanya o sa kahit na anong ordinaryong gawain there is a mission.” pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng obispo na napananahon ang pagdiriwang ng National Bible Month ngayong Enero upang alalahanin ng mananampalataya ang pagsasabuhay sa mga Salita ng Diyos na isang paraan ng pagmimisyon.
Batid ni Bishop Ongtioco na malaki ang magagawa ng mga layko sa paglago ng simbahang katolika sapagkat ito ang mayorya sa populasyon ng mga katoliko sa bilang na 99 na porsyento.
Paalala ng pinunong pastol ng Cubao na bawat biyayang tinatanggap ay nararapat na ibahagi kabilang na ang pananampalataya.
Isa si Bishop Ongtioco sa mahigit 80 obispong dumalo sa ika – 125 CBCP Plenary Assembly kung saan kabilang sa tinatalakay ang lay empowerment para sa pag-unlad ng simbahang sama-samang naglalakbay alinsunod sa panawagan ng Santo Papa Francisco na synodality.