248 total views
Pahupa na ang pandemya kapanalig, at sana nga tuluyan na itong mawala. Marami tayong naranasang health crisis nitong mga nakaraang taon. At sa lahat ng krisis na ito, ang ating mga health workers ang siyang naging mga bayani. Kamusta na sila ngayon?
Bayani man sila na maituturing, pero alipin ang pakiramdam ng marami sa kanila. Pagod na pagod ang ating mga public health workers, kapanalig. At ang pagod na ito, ayon sa marami, ay hindi natin natutumbasan ng karampatang sweldo, benepisyo, at pahinga.
Noong kahitikan ng pandemya noong 2021, napakaraming mga nurses ang sinasabing nag-resign na lamang upang magtrabaho sa ibang bansa. May isang pagsusuri na nagpakita na noong Oktubre 2021, mga 5% hanggang 10% ng mga nurses na nagtatrabaho sa mga pribadong ospital ang nag-resign upang mag-abroad, habang kulang pa ng mga 106,000 nurses ang mga hospital ng bansa.
Hindi natin masisisi ang desisyon ng ating mga health workers. Kailangan nilang buhayin ang kanilang pamilya. Hindi nila ito magagawa ng may dignidad sa ating bayan. Overworked at underpaid ang marami sa ating mga health workers. Kahit pa sabihin natin na sinumpaan nilang obligasyon ang pagkalinga sa mga may sakit, hindi nila pwedeng pabayaan ang kanilang sariling pamilya. Buwis buhay ang kanilang serbisyo lalo na sa panahon ng pandemya, kaya’t marapat naman sana na matapatan natin ang serbisyong ibinigay nila.
Kapanalig, panahon na upang tugunan naman natin ang kanilang kondisyon. Hindi lamang ito isyu ng mga public health nurses, na maaaring mas maswerte pa kumpara sa mga nurses sa mga private hospitals. Karaniwang mas maliit ang sweldo dito, na siyang mitsa ng pag-migrate ng mga 40% ng mga private hospital nurses. Ayon pa sa Department of Labor and Employment, pinipili na ng mga nurses na maging caregivers sa ibang bansa para lamang mas mabilis makapag-trabaho sa abroad.
Kapanalig, kailangan nating bigyang proteksyon ang kapakanan at karapatan ng ating mga health care workers, lalo na sa mga pribadong hospital kung saan mas mababa ang sweldo ng mga nurses at kaunti lamang ang may mga labor unions. Ang pangangalaga sa ating mga nurses ay pangangalaga din sa kanilang pamilya, sa ating komunidad, at sa buong bayan. Kapag maayos ang kondisyon ng ating mga nurses, mas magandang serbisyo ang kanilang maiaalay sa ating bayan.
Sa kanyang address para sa mga doctor, nurses, at healthcare workers, nasabi ni Pope Francis na nakita ng buong mundo ang kabutihang kanilang inalay sa gitna ng matinding krisis. Kahit pagod, patuloy silang nag serbisyo na puno ng propesyonalismo at sakripisyo. Sana kapanalig, ating matumbasan ng sapat at tapat ang inalay sa atin ng mga health workers ng bayan. Huwag lang sana papuri ang ating maibigay sa kanila, kundi kongkretong tulong at pagkilala sa trabahong sila lamang ang ating maaasahan.
Sumainyo ang Katotohanan.