1,509 total views
Nagagalak ang Diocese of Romblon sa kinalabasan ng mapayapang pag-uusap sa pagitan ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) at anti-mining groups hinggil sa pagmimina sa Sibuyan Island.
Kasunod ito ng kusang-loob na paghinto ng APMC sa kanilang mining operations sa Sibuyan bilang pagtalima sa panawagan ng mga apektadong residente.
Ayon kay Romblon Social Action Director Fr. Ric Magro, nangangahulugan ito na naging malinaw at iginagalang ng mining company ang mga napagkasunduan sa naganap na pagpupulong hinggil sa ilegal na pagmimina sa Sibuyan.
“Thru the peace process at peace panel na nangyari sa Sibuyan Island, nagkasundo po ang lahat, together with Altai Philippines and anti-mining groups na i-respeto ang anumang naging desisyon, at they are very responsive naman sa nangyari,” bahagi ng pahayag ni Fr. Magro sa panayam ng Radio Veritas.
Nangako naman ang Diocese ng Romblon na patuloy na makikipagtulungan para sa pagsasaayos ng proseso laban sa pagmimina, gayundin sa pagpapanatili ng kaayusan sa sa Sibuyan Island.
Paalala ni Fr. Magro sa mga grupong laban sa pagmimina na patuloy lamang na maging mapagmatyag sakaling muling magsagawa ng operasyon ang APMC sa kabila ng suspension order.
“Ang Altai Philippines, since meron tayong Notice of Violation ay titigil sa kanilang operasyon para walang giriian na mangyayari. They must have to follow kung ano ‘yung pinadala sa kanila na suspension order,” ayon kay Fr. Magro.
Dagdag pa ng pari na katulad nang naunang pahayag, mananatili ang paninindigan ng Diyosesis na pangalagaan ang nag-iisang tahanan at akayin ang mga mananampalataya na maging mabubuting katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
Pebrero 6 nang maglabas ng pahayag ang APMC at inanunsyo ang ‘voluntary halt’ ng kanilang exploration activity sa Sibuyan Island.
Kasunod rin ito ng cease and desist order ng Department of Environment and Natural Resources dahil sa mga paglabag ng mining company sa proseso at batas na nangangalaga sa kalikasan.