2,464 total views
Naghain ng panukalang batas si Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez upang amyendahan ang umiiral na tatlong taong paninilbihan ng mga opisyal ng barangay at sangguniang kabataan ng hanggang sa limang taon.
Layon ng HB 7123 ni Rodriguez na amyendahan ang section 43 ng Local Government Code-na tumatalakay sa pananatili ng mga opisyal ng barangay sa loob tatlong taon sa tatlong magkakasunod na termino o kabuuang siyam na taon.
Paliwanag ni Rodriguez, hindi sapat ang tatlong taon para sa pagkakaisa at katatagan ng pamumuno, gayundin ang pagtiyak na maipapatupad ang mga nasimulang programa.
“It is not enough to ensure that the programs of the barangay are carried out properly, especially considering the fact that it cannot be denied that the last year of the term is basically used for campaigning,” ayon sa mambabatas.
Sakaling mapagtibay bilang batas, sisimulan ang pagpapatupad matapos ang gaganaping Barangay at SK elections ngayong Oktubre.
Dagdag pa ni Rodriguez, chairman ng House Committee on constitutional amendments-ang mas madalang na halalan ay makababawas din sa hindi pagkakasundo ng mamamayan dahil sa pagkiling sa mga kandidato, lokal man o pambansang halalan.
Tinatayang may higit sa 40-libo ang kabuuang bilang ng mga barangay sa buong bansa-ang pangunahing ‘political unit’ sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan hanggang sa pinakamalalayong pamayanan.