509 total views
6th Sunday of Ordinary Time Cycle A
Sirach 15:16-21 1 Cor 2:6-10 Mt 5:17-37
Ang Bibliya natin ay binubuo ng dalawang bahagi, ang Lupang Tipan at ang Bagong Tipan. Ang nilalaman ng Lupang Tipan ay ang mga pahayag at mga pangyayari bago dumating si Jesukristo. Ang nakalagay naman sa Bagong Tipan ay ang mga pahayag at pangyayari tungkol kay Jesukristo at tungkol sa simbahan sa mga unang limampung taon nito. May nagsasabi, bakit pa kailangang basahin ang Lumang Tipan kung mayroon na tayong Bagong Tipan? Maliwanag ang sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong akalain na naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang ipawalang-bisa kundi upang ipaliwanag at ganapin ang mga iyon.” Kailangan pa ba natin ang Lumang Tipan? Opo kailangan pa natin kasi sinabi ito mismo ni Jesus. Kung balewalain natin kahit na ang pinakamaliit na bahagi ng Kautusan sa Lumang Tipan ibibilang tayo sa pinakamababa sa kanyang kaharian.
Oo, kailangan natin ang Lumang Tipan pero ito ay kailangan nating unawain ayon sa aral ni Jesus kasi ito ay mas pinalalim pa ni Jesus at pinaganap. He perfected it. Kaya apat na beses nating narinig sa ating ebanghelyo: “Narinig ninyo na noon ay iniutos sa mga tao… ngunit ngayon ay sinasabi ko sa inyo…” Mas pinalalim ni Jesus ang pagtupad ng mga utos. Hindi lang sapat na huwag pumatay, huwag din dapat tayo magalit at huwag murahin ang iba, kasi ang ugat ng pagpapapatay ay ang pagsasawalang halaga sa ating kapwa. Hindi lang sapat na huwag tayong makiapid. Tanggalin ang mahahalay na pagtingin at pagnanasa sa ating kapwa. Ang pakikiapid ay nagsisimula sa kahalayan. Ganoon din ang divorce, ang paghihiwalay sa asawa. Hindi ito pinayagan ni Jesus kahit na sa kautusan ni Moises ito ay pinayagan. Kaya nakikiapid ang nag-asawa sa hiniwalayan, kasi sa totoo lang sa mata ng Diyos, walang divorce, hindi sila hiwalay. Hindi lang sapat na tupdin ang sinumpaan. Huwag sumumpa. Dinadagdagan natin ng sumpa ang ating pangako kasi hindi tayo makatotohanan. Hindi naniniwala ang iba sa ating salita kaya pinagtitibay pa natin ito ng sumpa. Pero kung ang bawat salita natin ay totoo at pinaninindigan natin, hindi na kailangang manumpa pa. Mayroon tayong palabra de honor. Nawawala na ito sa maraming tao, lalo na sa politiko natin. Walang katuturan ang maraming pahayag ng ating mga politiko – hindi naman nila tinutupad ang kanilang mga pangako.
Para kay Jesus ang pagsunod natin sa Diyos ay dapat manggaling sa ating puso at sa ating intensyon. Sinusuri natin ang kaibuturan ng ating puso at kalooban. Kaya hindi lang panlabas ang ating pagsunod sa kanya. Napakaganda ang ating salmong tugunan:
“Ituro mo, Panginoon, layunin ng kautusan.
At iyon ang susundin ko habang ako’y nabubuhay.
Ituro mo ang batas mo’t sisikapin kong masunod,
Buong pusong iingata’t susundin nang buong lugod. “
Kaya kaya nating itong gawin? Masusunod ba natin ang utos ng Diyos? Sinabi sa atin ni Sirach sa ating unang pagbasa na kaya natin ito: Makapipili tayo ng anuman, tayo ang magpasya: tubig o apoy, buhay o kamatayan, maging tapat sa Diyos o hindi. Tayo ang pipili. Ginawa tayo ng Diyos na malaya. Nagbigay siya ng mga utos pero hindi niya tayo pinipilit. Oo, ayaw niya na tayo ay magkasala, kailanma’y wala siyang inutusang magpakasama o pinahintulutang magkasala. Binigay pa nga niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu upang matupad natin ang kanyang kagustuhan. Hindi lang niya tayo binigyan ng aral at gabay, binigyan pa niya tayo ng kakayahan na ito ay magawa. Malaki na ang kanyang itinaya upang magabayan tayo ng kanyang mga utos. Pero hindi niya tayo pinipilit. Tayo ang magpapasya, pero may resulta ang ating pasya. Kung pipili tayo ng tubig, mabubuhay tayo. Kung pipili tayo ng apoy, masusunog tayo.
Kaya ano ang dapat nating gawin?
Una, maniwala tayo na ang batas ng Diyos ay mabuti sa atin. Mahal na mahal niya tayo na ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak sa atin. Ayaw niyang mapahamak tayo kaya binibigyan niya tayo ng mga paraan upang hindi tayo mapasama. Ang mga batas ng Diyos ay tanda ng kanyang pagmamahal sa atin.
Pangalawa, kung naniniwala tayo na mabuti ang kanyang mga utos – alamin natin ang mga ito! Ano ba ang mga batas ng Diyos? Paano natin sila masusundan kung hindi natin sila alam? Kaya kailangan magbasa ng Bibliya at alamin ang katesismo. Hindi naman inililihim ng Diyos ang kailangan nating malaman.
Pangatlo, gawin natin ang ating nalaman tungkol sa Diyos. Hindi tayo maliligtas ng ating kaalaman kundi ng ating kabutihan at ang kabutihan ay nakikita sa gawa. Sinabi ni Jesus na hindi ang tumatawag sa kanya ng “Lord, Lord” ang makapapasok sa kanyang kaharian kundi ang gumagawa ng kanyang utos. Mahal natin ang Diyos kung ginagawa natin ang kanyang mga utos. Kaya hindi lang tayo naka-iiwas sa kasamaan sa pagtupad ng batas ng Diyos. Sa paggawa ng kanyang utos minamahal natin siya at napapamahal tayo sa kanya.
Pang-apat, umasa tayo na magagawa natin ang batas ng Diyos. Ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu upang gawin ito. Ito ang isang malaking pagkakaiba ng Bagong Tipan sa Lumang Tipan. Sa Lumang Tipan pinaalam sa atin ang batas. Nakasulat ito sa bato. Sa Bagong Tipan binigyan tayo ng Espiritu Santo at ang kanyang mga utos ay nakasulat na sa ating puso. Ginagabayan tayo ng Espiritu upang ito ay unawain ng wasto at upang ito ay gawin ng tapat. Kaya umasa tayo na magagawa natin ito.
Panglima, kung sakaling magkamali tayo at hindi natin ito nasunod, manalig tayo na handa ang Diyos na magpatawad upang tayo ay makatayo muli at makasimula muli na sumunod sa kanya. Hindi parusa ang nag-aantay sa atin kundi patawad upang makalakad tayo muli sa landas ng katarungan.