1,684 total views
Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang patuloy na pagbubukas ng kamalayan ng bawat isa kaugnay sa malawak at mabuting magagawa ng Sangguniang Kabataan sa pamayanan.
Ito ang ibinahagi ni PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano kaugnay sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre.
Ayon kay Serrano, maraming magagandang programa na maaaring gawin ang mga maihahalal na Sangguniang Kabataan para makatulong sa paghubog ng kanilang kapwa kabataan sa bawat barangay.
Pagbabahagi ni Serrano, mahalagang mabuksan at mabago ang isip ng lahat kaugnay sa malawak na maitutulong at magagawa ng Sangguniang Kabataan sa pamayanan.
“Hindi po ako nagsasawa na patuloy kong bibigyan ng karagdagang linaw na maraming magagandang programa na pwedeng isagawa ang SK sa tulong ng kanilang kalipunan ng kabataan at yan ay patuloy nating gagawin upang sa gayun ay makita natin na magkaroon ng pagbabago na ang ating mga SK ay talagang mag-isip ng magagandang programa para sa ganun yung kabataan natin mahubog, lumaki sila marami silang matutunan na kaligaligaya,” pahayag ni Serrano sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Serrano na ang Sangguniang Kabataan ay hindi lamang tungkol sa mga palaro o paligsahan tulad ng mga basketball o beauty contests kundi sa malawak na mga programa na maari nilang magawa.
Partikular na tinukoy ni Serrano ang mga programa para sa pagtiyak ng kalusugang pangkaisipan o mental health ng mga kabataan.
“Ang SK ay hindi lamang tungkol sa sports or basketball o kaya yung mga beauty contests marami ring magagandang programa na pwede nilang isagawa at isa na nga dito ay dun sa larangan ng kalusugang pangkaisipan or mental health,” dagdag pa ni Serrano.
Una ng binigyang diin ng PPCRV ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon at pakikibahagi ng lahat sa nakatakdang halalang pambarangay na magsisimula sa pagpaparehistro lalo’t higit ng mga kabataang first time voters sa bansa.
Nasasaad sa Repubic Act (RA) No. 11935 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatakda ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa huling araw ng Lunes sa buwan ng Oktubre o sa ika-30 ng Oktubre ng kasalukuyang taon.
Sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB), aabot na sa humigit kumulang 43,000 ang kabuuang bilang ng mga barangay sa Pilipinas.